Nanindigan ang Department of National Defense sa pinal na desisyong i-disqualify ang kompanyang Koreano na Kolon Global Corporation matapos matuklasan na mababang uri at substandard ang produkto nito kaugnay sa bidding upang mag-supply ng 44,080 pirasong armor vests.
Ayon kay DND-Bids and Awards Committee chairman ASEC Efren Q. Fernandez, ang pasiya ng BAC ay ibinatay sa estriktong pagtupad sa 9184 (Phil. Govt. Electronic Procurement Services Act) at nakabase sa natuklasan ng lupong Assessment/Post-Qualification sa ilalim ni General Essel Soriano (ret.), ang pinakamataas na technical working group na kumatawan sa Philippine Army at Marines.
Inihayag ito ng DND para maiwasto ang maling ulat na ipinakakalat ng Kolon na nag-alok ng armor vest na ang metal plate nang sukatin ay hindi tumugon sa teknikal na nakasaad sa bid document kaya idineklarang substandard at mahinang klase.
Nagsimula noong 2012 ang bidding sa suplay ng 44,080 pirasong armored vests para sa Army at Marines na nagkakahalaga ng P1.76 bilyon at binuksan ang mga bid nitong Abril na apat na kompanya ang nag-qualify bilang pinakamababang bidders sa pangunguna ng Kolon ng Korea; Merkata ng Serbia; JV Achidatex Nazareth Elite ng Israel at MKU Private Ltd. ng India.
Nilinaw ni Fernandez na hindi komo’t may pinakamababang bid ay awtomatikong ibibigay sa Kolon ang proyekto dahil may post-qualification, assessment at analysis na pinakamahalagang yugto ng bidding process kung saan bumagsak ang produkto ng nasabing kompanya.
“Bilang retiradong heneral ng pulisya at militar, mapalad ako na nakaligtas sa mga sagupaan noong aktibo pa ako sa serbisyo. Sa mga panahong iyon, nakita ko ang maraming mukha ng kamatayan kabilang ang aking mga tauhan na namatay sa labanan at gumawa ng pinakamalaking sakripisyo dahil hindi napagkalooban ng wastong proteksiyon sa kanilang katawan,” ani Fernandez.
“Ang trabaho ng DND-BAC ay napakalinaw mula sa unang araw at nakalinya sa utos ni Defense Secretary Voltaire Gazmin. Hindi namin kailanman maaatim na ikompromiso ang kaligtasan at buhay ng mga kawal na sumusuong sa armadong hidwaan at digmaan,” dagdag ni Fernandez. (HNT)