NAKATAKDANG magharap sina Senadora Miriam Defensor Santiago at Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ngayong araw, Disyembre 4.
Magugunitang nagsagawa ng priviledge speech si Enrile noong nakaraang linggo at ngayong araw naman ipinatakda ni Santiago ang kanyang sagot sa speech ni Enrile.
Ayon naman kay Enrile, wala siyang balak na talikuran si Santiago bagkus ay handa siyang harapin ito sa sesyon ngayong araw.
Sinabi pa ni Enrile, uupo siya sa kanyang upuan at pakikinggan ang mga sasabihin ni Santiago.
Tiniyak ni Enrile na palalampasin niya si Santiago kung siya man ay siraan at sabihan ng mga masasamang salita katulad ng sinungaling, mamamatay tao at iba pa maliban na lamang kung pagbintangan na siya ang pumatay kay Jose Rizal at nasa likod ng bagyong Yolanda.
Hindi naman naipangako ni Enrile kung kanyang i-interpelate si Santiago sa magiging speech ng senadora.
Iginiit ni Enrile na hihintayin muna niya ang ihahayag ni Santiago at dito siya magdedesisyun kung tatayo siya pa para tanungin ang senadora.
(NIÑO ACLAN/
CYNTHIA MARTIN)