Maaga pa para sabihin kung may sindikato na nag-o-operate sa Department of Budget and Management kasunod ng nabunyag na pekeng special allotment release order o SARO na nagkakahalaga ng P879 milyon.
Ito ang inihayag ni National Bureau of Investigation Officer in Charge Medardo de Lemos, sa gitna ng imbestigasyon ng ahensya hinggil sa nabunyag na kontrobersiya.
Ayon kay de Lemos, inaalam na ng kawanihan kung paano pino-proseso sa DBM ang SARO, kung paano ito iniisyu at kung sinu-sino ang pumipirma at kung anu-ano ang pinagdaraanang mga tanggapan sa loob ng DBM.
Inaalam na rin umano ng NBI kung paanong napunta sa ibang tao ang pekeng mga SARO na diumano’y inilaan para sa mga farm-to-market roads project.
Nauna nang tinukoy ni Justice Secretary Leila de Lima na labing dalawang mga diumano’y pekeng SARO ang pinaiimbestigahan ng DBM, at ang mga ito ay nakarating umano sa Region 2, Region 4A, Region 6 at Region 12.
Nuong Biyernes, humarap na sa NBI ang dalawang staff ng kongresista mula Cagayan na diumano’y naging susi para madiskubre ang pekeng SARO.
(leonard basilio)