NAGPASALAMAT si Pangulong Benigno Aquino III kahapon kay dating Sen. Panfilo Lacson sa pagtanggap sa kanyang alok na pangunahan ang rehabilitation at reconstruction sa Eastern Visayas na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
Ito ang pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma, Jr., hinggil sa pagkakatalaga kay Lacson ng Pangulo bilang “rehab czar.”
Nabatid na matapos ang cabinet meeting nitong Biyernes ay napag-kasunduan na maglalaan ang pamahalaan ng P40.9 bilyong rehabilitation funds, at ipinatawag ng Punong Ehekutibo si Lacson sa Malacañang at inialok sa kanya ang maging ‘rehab czar.’
Sinabi naman ni Coloma na ano mang araw ay lalagdaan ni Pangulong Aquino ang isang executive order na magtatakda ng magiging bagong papel ni Lacson sa administrasyong Aquino.
(ROSE NOVENARIO)