POSIBLENG umabot sa P1,000 ang presyo ng kada 11 kgs. ng liquefied petroleum gas (LPG) na umabot na sa P712.00 kada tangke, matapos ang panibagong pagtataas ng presyo ng mga kompanya ng langis kamakalawa ng hatinggabi.
Ayon sa pamunuan ng Petron Corporation at Total Philippines, nagpatupad ang kanilang kompanya ng dagdag na P14.30 kada kilo ng LPG katumbas ng P157.30 sa bawa’t tangke na tumi-timbang ng 11 kilo habang ang Total ay nagdagdag ng P13.99 kada kilo.
Sa pahayag ng Solane, P11/kilo katumbas ng P120 kada tangke na 11 kilos ang ipinatupad epektibo rin kamakalawa ng hatinggabi.
Ani Mayi Macuja, ng Petron Corporation, P8 kada kilo muna ang kanilang ipatutupad sa Bohol, Leyte, Samar at Aklan na sinalanta ng bagyong Yolanda pero sa Disyembre 15, ipatutupad nila ang karagdagang P6.30 kada kilo.
Ipinatupad din ng Petron ang P7.99 kada litro ng kanilang auto gas na epektibo dakong 12:01 ng umaga kamakalawa.
(JAJA GARCIA)