INIHAYAG ng kampo ng whistleblowers sa pork barrel fund scam, nasa berepikasyon at paghahanda na sila para sa ikatlong batch ng mga kakasuhan kaugnay ng pagwaldas ng pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Ayon kay Atty. Levito Baligod, posibleng 30 indibidwal ang sasampahan ng kaso kasama ang ilang alyado ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Bagama’t tumangging magbanggit ng pangalan si Baligod, inamin naman niya na may mga dating kongresista pa rin ang tatamaan ng ikatlong batch ng reklamo.
Magugunitang nitong Biyernes lamang ay marami ang nagulat sa paghahain ng kasong malversation of public funds at direct bribery kay Bureau of Customs Comm. Ruffy Biazon dahil sinasabing sa paggamit ng PDAF para sa bogus non-governmental organization (NGO).
Kasama sa susunod na mga kakasuhan ay natalong kandidato ng admin party at isang dating kongresista na ngayon ay senador na.
Hindi pa matiyak kung maihahain agad ang reklamo sa buwan na ito ngunit kanila na aniyang minamadali ang pagkalap ng mga ebidensya.