LABINGLIMANG taon pagkakulong ang hatol na parusa ng United Arab Emirates Court sa isang Pinoy trader matapos mapatay sa saksak at inihulog pa sa bintana ang kanyang Pinay business partner noong nakaraang taon, buwan ng Agosto.
Hinatulan ng Dubai Court of First Instance ang 49-anyos na Pinoy na itinago sa pangalang Alex, dahil sa pagpatay sa 50-anyos kasosyo na kinilalang alyas Estela.
Inihayag ng Hukom Wajdi Al Menyawi, maibabalik (deport) lamang ang Pinoy kapag nabuno na ang 15-taon pagkakulong.
Mariing itinanggi ni Alex ang krimen na hindi niya ginagawa.
“I am not guilty. I did not kill the woman … she jumped from my window. I did not push her,” pahayag pa ni Alex.
Base sa rekord ng korte, nagtungo ang Pinay sa lugar ng suspek para makipag-usap kaugnay sa isang negosyo na kanilang pagso-sosyohan sa isang Koreano.
Imbes magkasundo sina Alex at Estela, nagtalo ang dalawa hanggang masaksak ng suspek ang babae at itinulak pa umano sa bintana ang biktima.
Ang bangkay ng babae ay natagpuan sa trunk ng kotse na inabandona sa Sharjah Industrial Area 11, noong Agosto 31, makaraan ang anim na araw nang i-report ng kanyang mister ang pagkawala ng ginang.
Isang Emirati police captain ang tumestigo kaugnay sa pagkakaroon ng financial disputes ng dalawa.
(JAJA GARCIA)