INAASAHANG apektado ang pagbibiyahe ng libo-libong pasahero dulot ng itinakdang tigil-pasada ng mga jeepney driver ngayong araw sa Lungsod ng Maynila.
Ayon kay Zenaida Maranan, Ka Zeny, national president ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), kasama nila sa strike ngayong Lunes, ang Philippine Confederation of Drivers and Operators-Alliance of Concerned Transport Organization (PCDO-ACTO) na pinamumunuan ni Efren de Luna.
Mula umaga hanggang gabi, hindi bibiyahe ang mga miyembro ng dalawang asosasyon dahil sa mga karaingan sa mga mapanggipit na polisiya na pinaiiral ng pamahalaan kabilang ang Lungsod ng Maynila.
“Maghapon ang tigil-pasada, hangga’t hindi namin nakakausap si Mayor Erap, kailangan na niya malaman ang mga nangyayari, kung mali kami, hulihin kami pero ‘yung nasa lugar ka at sumusunod hinuhuli, pati wrecker, presinto at traffic police kinukuha lisensiya hanggang ngayon ay hindi pa isinasauli, kahit na kinausap ko na ‘yung isang major na kahit di ninyo responsibilidad ay pinakiusapan ko, ‘di nakinig ang pulis na ito. Hindi na nila kaya ang paniniket sa kanila,” sabi ni Ka Zeny.
Bukod sa PCDO-ACTO, hinimok din umano ni Ka Zeny ang mga miyembro ng PISTON at Pasang Masda na makiisa sa tigil-pasada na ang layunin ay para sa kapakanan ng lahat ng mga pumpasadang driver at mga operator. (leonard basilio)