LOS ANGELES — Kinompirma ng kampo ni “The Fast and the Furious” star Paul Walker ang pagkamatay ng aktor dahil sa “tragic car accident” habang papadalo sa isang charity event para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa bansa.
Ayon sa ulat, nangyari ang aksidente sa Santa Clarita, Los Angeles. Habang lulan si Walker ng Porsche sports car nang mawalan ng kontrol at bumangga sa isang puno, bago lumiyab at sumabog.
“It is with a truly heavy heart that we must confirm that Paul Walker passed away today in a tragic car accident while attending a charity event for his organization Reach Out Worldwide,” ayon sa Official Facebook account ng aktor.
“He was a passenger in a friend’s car, in which both lost their lives. We appreciate your patience as we too are stunned and saddened beyond belief by this news,” dagdag pa sa mensahe.
Iniimbestigahan ng L.A. County Sherriff’s Office ang insidente at ang coroner office ay nakatakda namang magbigay ng pahayag kaugnay sa aksidente na kinasangkutan ng aktor.
Nabatid na may ginagawang charity event ang aktor para makalikom ng pera para i-donate sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Filipinas.
HATAW News Team
JESSICA SANCHEZ UMUWI SA PH PARA SA YOLANDA VICTIMS
SAMANTALA nasa Filipinas ngayon si American Idol runner-up na si Jessica Sanchez para personal na tumulong sa mga kababayang sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sa kanyang Twitter account, inihayag ng Filipina-American singing sensation ang kanyang “excitement” sa muling pagbisita sa Filipinas.
“Mabuhay Philippines!!! Excited to be back and ready for@starkeycares @TaniAustin @ and their amazing team!!! Such an incredible foundation!!”
Sinasabing mananatili hanggang Disyembre 10 sa bansa si Sanchez at magiging katuwang siya ni 8-division world champion Manny Pacquiao sa pagpapatuloy ng relief efforts sa Central Visayas.
Ang kantang “Lead Me Home” na kasama sa iTunes collection na “Songs for the Philippines” ay isinulat ni Jessica bilang bahagi ng fund-raising efforts para sa mga kababayan.
Ang album na nagkakahalaga ng $9.99 o P429 sa iTunes ay naglalaman ng 39 awitin ng international singers at legends.
Ang kikitain dito ay mapupunta sa Philippine Red Cross para itulong sa mga biktima ng kalamidad.
Ang mga artist na kabilang sa album ay ang Beatles, Bob Dylan, Lady Gaga, Adele, Justin Bieber, Alicia Keys, Beyonce, Cher, Eminem, Michael Buble, Jessica Sanchez, Madonna, One Directon, U2, Justin Timberlake, Pink, Enrique Iglesias at marami pang iba.
PACMAN NAMIGAY NG CASH, BIBLE, RELIEF GOODS SA YOLANDA SURVIVORS
GENERAL SANTOS CITY – Hindi lamang relief goods ang ibinigay ni 8th Division World champion Manny Pacquiao sa mga residente ng Guian, Eastern Samar na una niyang binisita.
Kasama sa relief goods ang mga Biblia sa ibinigay ng boksingero sa mga biktima ng bagyong Yolanda at namudmod ng tig-P1,000 cash sa bawat pamilyang nasa tent.
Napag-alaman nasa kabuuang 96 pamilya ang pansamantalang nakatira sa mga tent ng nasabing lugar.
Sa pagdating ng grupo ni Pacman sa Guian kamakalawa ng gabi, agad silang nagsagawa praise and worship kasama ang mga biktima ng bagyo.