INIUUGNAY ang alkalde ng Valencia City, Bukidnon sa pagpatay sa isang radio commentator na tinadtad ng bala ng anim na suspek nitong Biyernes ng gabi.
Si Valencia City Mayor Jose Galarion ay idinawit ni Vilma Camarillas sa pagpatay sa live-in partner niyang si Joas Dignos, radio commentator sa dxGT Abante Radio.
Naniniwala si Camarillas na may kinalaman sa trabaho bilang mamamahayag ang pagkamatay ni Dignos.
Aniya, si Galarion ang madalas maging paksa ng mga komentaryo ng biktima nitong nagdaang mga araw bago siya pinatay.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nakikipag-inoman si Dignos kasama ang mga kaibigan nang tumayo para umihi.
Hindi nagtagal ay narinig na ang mga putok ng baril at pagsigaw ng biktima.
PAGPASLANG KINONDENA NG PALASYO
KINONDENA ng Malacañang ang pagpaslang kay dxGT broadcaster Joas Dignos sa Valencia City, Bukidnon at nanawagan sa publiko na tulungan ang administrasyong Aquino na wakasan ang ‘culture of impunity’ na nagiging sanhi ng media killings.
”We are determined to end the culture of impunity that has brought about these media killings and we call on the citizens to support our efforts,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Inatasan na ng Palasyo ang pulisya na tugisin ang mga salarin habang ang Department of Justice (DoJ) naman ang magpapalakas ng kaso at tututok sa progreso ng paglilitis sa mga akusado sa lahat ng media killings.
Si Dignos ang ika-24 mamamahayag na pinaslang mula nang maluklok sa Palasyo si Pangulong Benigno Aquino III noong 2010, ayon sa New York-based Human Rights Watch (HRW).
Inakusahan ni HRW Deputy Asia Director Phelim Kine ang administrasyong Aquino na iniinsulto ang mga biktima at minamaliit ang problema sa media killings bunsod ng naunang pahayag ni Coloma na pinatataas lang ang bilang ng mga pinatay na media men dahil isinama pati angpagpaslang sa tsuper ng isang network, mga empleyado ng fly-by-night newspaper at blocktimer na nagbebenta ng skin whitener.
(ROSE NOVENARIO)