IGINIIT ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na hindi hina-harass ng administrasyon si boxing champion Manny Pacquiao kaugnay sa kinakaharap na kaso sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Sinabi ni Pangulong Aquino na walang dahilan para gipitin nila ang Pinoy ring icon at ginagawa lamang ng BIR ang trabaho sa pagbubuwis.
Ayon kay Pangulong Aquino, kung tama ang ginawa ni Pacquiao ay tiwala siyang mareresolba ng boksingero ang problema at maidedepensa ang sarili.
Kasabay nito, pinayuhan din ni Pangulong Aquino si Pacman na huwag makisangkot sa media war.
Hindi aniya mareresolba ng media ang kanyang problema at sa BIR siya dapat sumagot.
“So if he has—if he did right, then I’m sure he will be able to prove that he did right, and therefore there is no issue. So the way to settle it is to answer all of these queries by the BIR and not to engage in a media war. The media will not decide who is right or wrong, ‘di ba? It will be our courts eventually, if it gets to that, who will decide. But, again, the process has been two years,” ani Pangulong Aquino.
(ROSE NOVENARIO)
Tax compromise bukas kay Pacquiao
TAX COMPROMISE BUKAS KAY PACQUIAO
BUKAS ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magkaroon ng compromise sa kinakaharap na P2.2-billion tax case ni 8-division world champion Manny Pacquiao.
Sinabi ni BIR commissioner Kim Henares, pinapayagan ng batas ang naturang transaksyon kung mayroong “reasonable doubt” laban sa ipinataw na tax assessment ng gobyerno o walang kakayahan ang tax payer na bayaran ang kanyang obligasyon.
Una rito, iginiit ni Manny na masyadong malaki ang P2.2-billion tax defficiency na sinisingil sa kanya ng BIR.
Ayon kay Henares, sa kaso na mayroong net worth deficit o nagdeklara ng bankrupt ang tax payer, itinatakda ng batas ang minimum compromise rate na 10 percent.
Gayunman, kailangan aniyang i-waive ni Manny ang kanyang karapatan sa ilalim ng bank secrecy law.
Kailangan din aniyang patunayan ng Filipino ring icon na nakapagbayad siya ng buwis sa Filipinas sa kinukuwestyong taon na 2008 at 2009.