IBANG klase talaga ‘yang Resorts Worst ‘este’ World Casino.
Hindi talaga natin makita ang lohika kung bakit kung sino ‘yung katulong nila sa operasyon ng kanilang negosyo gaya ng mga staff nila na kinabibilangan ng Dealer, Inspector, PM, OM at iba pa ‘e sila pa ang tinitipid at ginugulangan.
Mantakin n’yo naman, bibigyan nga sila ng 13th MONTH PAY pero kakaltasan naman ng 20 percent tax …
Sonabagan!!!
Anong tax ‘yan?!
Kailan pa nagkaroon ng withholding tax ang 13th month pay?
Aba halos katumbas din ‘yan ng P5,000 hanggang P6,000.
Masyado na ngang nakaiinsulto ang ginagawa ng management ng Resorts Worst ‘este’ World sa mga empleyado nilang Pinoy. Sila na nga ang tagarito sila pa ang nagugulangan at nabu-bully.
Gaya n’yan, hindi sila makapagreklamo, kasi kapag nagreklamo sila tatanggalin sila sa trabaho.
Hanggang ngayon nga ay walang employees union ang casino na ‘yan!
In short, walang kaprote-proteksiyon mula sa gobyerno ang mga kababayan nating nagtatrabaho d’yan sa Resorts World.
Kumbaga kapag pumasok ka sa Resorts World, “Buntot mo, hila mo.”
Hindi na tayo magtataka kung isang araw ‘e bigla na lang layasan ng mga staff nila ang Resorts World dahil sa ginagawang panggugulang ng management.
Balita nga natin ‘e naghihintay na lang ang mga staff ng Resorts World na magbukas ang City of Dreams ni Stanly Ho para makalipat na sila.
Travellers President Mr. Kingson Sian, huwag naman masyadong magulang ang kompanya n’yo?!
Ibigay n’yo ang tamang benepisyo para sa mga empleyado ninyo!
SANDAMAKMAK NA KOLEK-TONG NAGLUTANGAN SA MAYNILA
Gusto kong tanungin si MPD district director Gen. Isagani Genabe kung kaya pa ba n’yang kontrolin ang kanyang mga pulis lalo na ang mga kotong cops?!
Madalas ipangalandakan ni Yorme Erap, na WALA na RAW kotong sa lungsod ng Maynila pero isang malaking kabaligtaran ang nangyayari ngayon.
Noong administrasyon ni Mayor Lim, e meron rin naman kolek-TONG pero iilan lang at tago pa.
Ngayon, garapalan na at parang piyesta na ng kolek-TONG sa Maynila. kaliwa’t kanan ang mga kumukuha ng tara y tangga sa mga nag-iiyakang club, vendors, at 1602 operator.
Sonabagan!!!
Kung nag-iiyakan ang mga naghahatag ng tong/tara ay HAPPY-HAPPY naman ang ilang kolek-tong ng MPD.
Yorme Erap at Gen. Genabe, hayaan n’yong ipakilala ko sa inyo ang mga sikat na kolek-TONG ngayon sa Maynila:
Bidang-bida raw sa Manila City Hall sina AKI-NO, RI-GOR-ILLA at LAGRI-MASA.
Sila raw ang mga nagpapaikot ng kolektor sa Divisoria at Quiapo vendors. Isang Tarantado ‘este’ Tata SALSALAZAR ang kumukubra ng tara sa Plaza Miranda at Carriedo saka ide-deliver kay AKINO!?
Ang mga TARA y TANGGA naman mula sa mga Gambling Lords ay kay alyas POT3 VICEs at Ri-gor-illa ang hatag saka ide-deliver sa amo nila sa MASA-ma.
By the way, MASA Chief Major Iyakin ‘este’ Irinco, deklarado ba lahat sa inyo ang koleksyon ng isang alias KUPITAN?
Ito raw kasing si alias Kupitan, ay walang bukam-bibig kundi ang office of the vices ‘este’ Vice Mayor?!
UNIPORMADONG PARKING TICKET KAILAN IPATUTUPAD NG BIR?
KAILAN ba ipatutupad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang uniformed parking ticket?
‘Yan po ang hinaing ng mga motorista na taga-Maynila at ‘yung mga nagagawi sa Maynila.
D’yan sa Juan Luna St., sa Binondo, isang private parking na ino-operate ng TGC-MAPMA sa ilalim ng Tokagawa Global Corp., na may head office umano sa 485 Urbiztondo St., Binondo, Maynila.
Sa dami ng mga sasakyan na nagpa-park sa kanila at sa minimum na singil sa light vehicle na P20 sa unang tatlong oras at P15/kada oras; medium vehicle P30 sa unang tatlong oras plus P20 kada oras; at sa heavy vehicles P60 sa unang tatlong oras plusa P40 kada oras, aba ‘e malaking pera ang pumapasok sa kanila araw-araw.
Ang isa pang kapuna-puna, ang nakapirma sa ibaba ng tiket ay first name lang ng nagpapakilalang parking officer.
Sa Maynila po kasi,lalo sa Binondo area ay napakaraming PRIVATE PARKING AREA.
Kaya gusto natin tanungin ang BIR kung nabubusisi at nagbabayad ba ng tamang buwis ‘yang mga private parking area na ‘yan?
Kailan ba talaga ipatutupad ng BIR ang uniformed parking ticket?!
PAGING BIR!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com