Nagkaloob ng suportang tig P1-milyon ang Philippine Racing Commission (Philracom) sa malaking pakarera ng Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) at Philippine Thoroughbred Owners and Breeders’ Organization (Philtobo) na gaganapin sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Philracom Director Jesus Cantos, Executive Racing Director, nagkaloob sila ng P1-milyon para sa 41st PCSO Presidential Gold Cup na gaganapin sa Disyembre 1 sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park, Carmona, Cavite.
Sa nasabing pakarera ng PCSO ay maghaharap ang mga magagaling na mananakbong lokal sa pangunguna ng itinuturing na super horse na Hagdang Bato, ni Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos, Pugad Lawin, Sulong Pinoy, Divine Eagle, Royal Jewels, My Champ Spring Collection, Bos Jaden at Arriba Amor.
Tumataginting na P5 milyon ang inilaang papremyo ng PCSO, P1- milyon nito ay mula sa Philracom.
Naglaan naman ng P1 milyon ang Philracom para sa Juvenile Championship sa ilulunsad na Philtobo Grand Championship races sa bakuran ng Santa Ana Park sa Naic, Cavite sa Disyembre 15.
Bukod sa Juvenile championship ay may apat pang pakarera ang nakalaan sa Philtobo Juvenile Fillies Championship race, Classic Stakes race,3 Year Old Fillies Stakes race at 3 year Colts Stakes race.
Mahigit sa P6- milyon ang nakalaang papremyo para sa malaking pakarera ng Philtobo.
Umaabot sa P3-milyon ang premyong inilaan ng Philtobo para sa Juvenile Champioship na tatawid sa distansiyang 1,600 meters na siyang sinuportahan ng Philracom.
Ni andy yabot