PUWEDE naman palang manalo ang Meralco Bolts kahit na malasin ang kanilang main scorer na si Gary David.
Ito ang kanilang pinatunayan noong Miyerkoles nang tambakan nila ang Air 21 Express, 112-79 para sa unang panalo nila sa tatlong laro sa PLDT myDSL Philippine Cup.
Buhat sa 16-15 na abante sa pagtatapos ng first quarter ay lumayo ang Meralco Bolts sa second period at nagposte ng 54-36 bentahe sa halftime. Hindi na lumingon pa mula roon ang tropa ni coach Paul Ryan Gregorio.
Nagbida para sa Bolts si John Wilson na dating manlalaro ng Air 21. Si Wilson ay kumamada ng game-high 26 puntos kabilang na ang anim na three-point shots.
Actually, hindi siya nagmintis ni minsan buhat sa three-point region.
Matindi, hindi ba?
Hindi naman unexpected ang ganitong performance buhat kay Wilson dahil dati siyang scoring champion ng national Collegiate Athletic Association (NCAA) kung saan naglaro siya sa Jose Rizal Heavy Bombers.
Katunayan, bago umakyat sa PBA, si Wilson ay nagwagi bilang Most Valuable Player ng NCAA noong 2009.
Una siyang naglaro sa Barangay Ginebra San Miguel bago nalipat sa Air 21.
Sa kanyang unang season, napasama kaagad si Wilson sa all-defensive Team ng PBA dahil ipinakita niyang kaya niyang dumepensa kahit na kontra sa mga import.
Tuloy, nalimutan ng mga fans na matindi rin ang opensa niya. Para bang natuon sa kanilang isipan na pang-depensa lang si Wilson.
E, hindi naman ganun. Two-way player si Wilson.
At ngayon nga ay nailabas ni Gregorio ang katangiang ito ni Wilson.
Baka sakaling dumating na rin ang superstardom kay Wilson!
Sabrina Pascua