NATUTUWA at napaayuda ako bilang pagsuporta kay apprentice rider Abraham “Ba-Am” Avila dahil nagpanalo kaagad siya sa unang sakay niya sa aktuwal na karera, iyan ay sa kabayong si Lady Liam na nasa ikalimang takbuhan nung isang gabi sa pista ng Sta. Ana Park.
Sa largahan ay maganda at maayos naman niyang naipalabas mula sa aparato ang kanyang dala, tapos ay medyo pirmis muna at medyo nag-aabang ng tamang pagkakataon. Nung makasilip ng tiyempo sa may gawing loob ay unti-unti niyang hiningan si Lady Liam at agaran naman nagresponde si kabayo. Kaya naman pagsungaw sa huling likuan ay nagtuloy-tuloy na ang kanilang pagremate at walang anuman na iniwan pa ang kanilang mga kalaban.
Sa panalo mong iyan Ba-Am ay yumanig ng husto sa lungsod ng Valenzuela. Congrats, GOD Bless, More Power at Ingat ka palagi sa iyong pananakay. Congrats din kay Proud Papa Tirso mo.
0o0
Kahit na kakaunti lamang ang naging bilang ng mga kabayong naisali nung nakaraang Martes na pakarera sa pista ng Metro Turf ay marami na sana ang natuwa dahil sa ganda ng aksiyon na napanood nila sa mga unang bahagi, ang kaso pagdating sa pinakahuling takbuhan ay nagulantang ang karamihan ng mga BKs lalo na iyong mga nagkaroon ng paratingan.
Matinding kalokohan daw kasi ang nangyari. Bukod pa sa mga hinaing at sama ng kalooban ay may mga beteranong klasmeyts din tayo na naringgan na sa iisang koneksiyon lang ang apat na kabayo sa limang kalahok na naglaban, kung kaya’t natural na kaya nilang maitapat iyon sa mas dehado upang sila ang mas umani habang ang mga ordinaryong karerista ay nga-nga-nga lamang at hindi na makakahabol pa dahil huling karera na iyon.
Aguy-aguy, bakit naman kasi may ganyan? Kaya mga klasmeyts ang maipapayo ko lang ay ugaliin na unang tignan, basahin, tandaan at tutukang mabuti ang mga pangalan ng tao sa programa kaysa sa mga kabayong tatayaan sa tatlong karerahan. Dahil ang kabayo ay umiikot lang sa karerahan o pista, samantalang ang mga tao ay kayang magpaikot sa karera.
Fred Magno