MAGSASANIB ang ilang mga manlalaro ng UAAP at NCAA, kasama ang ilang mga artista, sa isang benefit game na inorganisa ni Kiefer Ravena ng Ateneo na gagawin sa Blue Eagle Gym sa Lungsod ng Quezon sa Sabado simula alas-12 ng tanghali.
Ang larong tinawag na Fastbreak 2 ay sasalihan nina Ravena, Ray Ray Parks, Baser Amer, Matt Ganuelas, Kevin Alas, Thirdy Ravena, Chris Newsome, Garvo Lanete at ang mga artistang sina Xian Lim, Dingdong Dantes, Young JV, Billy Crawford at Gerald Anderson.
Ang kikitain ng laro ay mapupunta sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda na tumama sa Visayas noong Nobyembre 8.
Magkakaroon din ng laro ng volleyball sa halftime kung saan lalaro sina Alyssa Valdez, Michelle Gumabao, Fille Cainglet, Jen Reyes at Melissa Gohing.
Tutulong kay Ravena sa pag-organisa ng laro ang reporter ng GMA News at dating courtside reporter ng PBA D League na si Mav Gonzales.
Unang nag-organisa si Ravena ng laro para sa mga biktima ng bagyong Sendong noong Enero 2012.
(James Ty III)