Monday , December 23 2024

Si Andres Bonifacio Ngayon (Ikalawang bahagi)

ITINATAK sa ating isipan na walang pinag-aralan si Gat Bonifacio. Para sa isang tulad natin na ang pinag-aralan ay napakahalahaga at ang kawalan nito ay malaking kahihiyan. Hindi tayo mahilig sa digmaan tulad ng ibang lahi pero bakit pilit na itinatanim sa ating isipan na si Gat Bonifacio ay mandirigma lamang? Bakit palagian siyang ipinakikita na may tangang revolver at gulok? Dangan kasi, ito lamang ang paraan para mailayo siya sa atin at maitanim sa lahat na siya’y barumbado at makitid ang isip.

Matagumpay ang ganitong presentasyon sa kanya ng puwersang reaksyon kaya ultimong ang mga kababayan natin na nasa kilusang komunista ay kinikilala siya bilang isang madirigma lamang at hindi isang pantas sa teorya o ideologue. Pangdigmaang bayan lamang si Gat Bonifacio.

Dahil sa ganitong panlalason sa ating isipan ay marami ang hindi maimahen si Gat Bonifacio bilang banayad, edukado at mapayapang tao. Masyado siyang natali sa kanyang revolver at gulok na walang mangahas na ipangalan sa kanya ang isang sentro ng mataas na edukasyon.  Kabaliktaran ito kung paano naman palagiang ipinakikilala si Gat. Jose Rizal. Siya ay laging malumanay at nakikitang may tangan na libro kundi man laging nagsususlat o nagbabasa.  Hindi kataka-taka na isinusunod sa kanyang pangalan ang mga matataas na paaralan.

Pero si Gat Bonifaco ay hindi lamang mandirigma.

Una sa lahat siya ay edukador dahil siya ay puno ng aral at karanasan. Mapagpahayag ng saloobin sapagkat may malalim na pang-unawa sa kanyang kalalagayan. Ang kanyang mga akda katulad ng “Ang mga Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” “Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa,” ‘Katapusang Hibik ng Pilipinas,” “Ang mga Cazadores” ay patunay na siya ay mulat katulad ng mga kasabayang Ilustrados.

Mahusay magpaliwanag dahil alam niya ang ating kasaysayan at kilala niya ang ating lipi. Mahusay makiramay at puno ng pasensya. Hindi arogante at barumbado sa kanyang pagkilos sapagkat kung siya ay gayon ay hindi niya lihim na maiingatan at mapapalaki ang KKK-AnB sa loob ng apat na taon mula 1892 hanggang 1896. Hindi yata biro ang mag-organisa. Kailangan ng isang organisador ang liderato, dunong, talento at husay sa pakikisama para maitayo ang isang organisasyon.

Si Gat Bonifacio ay relihiyoso at kulturado. Sa katunayan noong Biyernes Santo ng 1895, kasama ang ilang piling tauhan ay pinuntahan nila ang kuweba ni Bernardo Carpio (Kuwebang Pamitinan) sa Montalban. Doon ay nilinis nila ang kanilang sarili, nagsindi ng kandila, nanalangin at isinulat sa kuweba ang mga katagang “Mabuhay ang Kalayaan ng Pilipinas.”  Hindi malayo na naligo rin sila sa malamig na tubig ng Wawa Dam.

Panahon na para baguhin natin ang ating pagkakakilala kay Gat Bonifacio. Siya ay matalino, edukado at mahusay na lider. Kasabay nito ay ipinanawagan ko kay Pangulong Benigno Simeon Aquino III at sa mga miyembro ng kongreso na pormal na siyang kilalanin bilang unang pangulo ng ating bayan. Ito man lamang ay maging ganti natin sa kanyang ipinadamang pag-ibig sa bayan.

* * *

Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.

Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.

Nelson Forte Flores

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *