ITO ang tahasang pag-aakusa ni Senate Minority Leader Juan Ponce sa isang senadora bilang sagot sa naging banat sa kanya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Nobyembre 7.
Ayon kay Enrile, talagang hindi sinusunod ng senadora ang ethics sa kanilang profession, patunay ang naging resulta ng bar examination na nakakuha lamang ang senadora ng marking na 76 percent at ang 56 percent ng kabuuan ng bar exam ay puro ethics.
Sinabi ni Enrile, puro kasinungalingan at walang katotohanan ang naging pahayag ni senadora laban sa kanya na isa siyang mamamatay tao, utak ng pork barrel scam, may kasamang maraming bodyguard at kada papasok ng restroom ay may dala pang mahabang baril.
Ipinagtataka rin ni Enrile ang ginagawang pamboboso at pag-i-espiya sa kanya hanggang sa loob ng restroom na aniya ay isang pribadong lugar.
Nanindigan si Enrile na nagpapasalamat siya sa pahayag ng senadora na may asim pa siya ngunit hindi siya naaasiman sa kanya.
Ani Enrile, nag-umpisa ang galit sa kanya ng senadora noong tutulan niya ang kompirmasyon ng Commission on Appointment (CA) bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform.
Idinagdag ni Enrile, nagkaayos din sila sa huli ng senadora matapos na sila ay pagharapin ni dating Senate President Manny Villar na sinaksihan din nina Senador Vicente “Tito” Sotto at Senador Gregorio Honasan.
Ipinaalala ni Enrile sa senadora na sa kabila nang hindi pagsuporta sa kanya ay ipinagkaloob pa rin niya sa senadora ng dalawang komite.
(NIÑO ACLAN)