Monday , December 23 2024

Nagkataon lang ba ang lahat … para sa 137 ni Luding?

OO nagkataon nga ba ang lahat mga kababayan?

Pero ewan ko lang ha, dahil sa tingin ko normal lang ang lahat. Ang alin?

Ganito po kasi iyon mga suki. Nang ideklara ng Korte Suprema na ilegal ang “pork barrel” para sa mga mambabatas. Aba’y bigla na yatang ‘tumubo’ sa kung saan sulok sa lalawigan ng La Union ang 137 ni alyas ‘LUDING.’

Ops baka nalilito kayo mga suki, ang 137 ay jueteng po. Kaya 137 dahil ang numerong pagpipilian ay hanggang 1-37. Gets n’yo na?

Hayun nang ideklarang ilegal ang PDAF na mas kilala nga sa tawag na “pork barell,” ang ipinatigil na operasyon ng jueteng ni Luding sa buong La Union ay biglang sumulpot uli sa tabi-tabi sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Alam n’yo naman kapag sinabing parang kabute, ang ibig sabihin ay mabilis nang kumalat ang operasyon ni Luding.

Saan man sulok ng lalawigan ay may jueteng bet collector si Luding. Ang masaklap pa nga rito ayon sa sumbong ay maging sa mga presinto at munisipyo ay nakapapasok ang mga kobrador para magpataya.

Gano’n? Ngunit, totoo ba ito?

Ayaw ko namang husgahan ang mga mambabatas sa naturang lalawigan subalit, bakit bigla na lamang nabuhay ang jueteng sa lugar ilang linggo makalipas ideklarang ilegal ang pork barrel.

Naalala ko tuloy ang sabi ng isang political analyst nang interbyuhin siya ng isang TV network. Mariing sinabi ng respetadong analyst na malaki at malamang lalakas ang operasyon ng jueteng sa mga lalawigan.

Wala na raw kasi pagkukuhaan ang ilang mambabatas para sa suportang kanilang ibibigay sa kanilang mga constituent.

Tama, alangan naman mag-abono ang mga mambabatas o alangan naman kukunin nila ito sa kanilang suweldo.

Hindi lamang ito ang nabasa ng analyst kundi maging ang bentahan ng droga sa bansa ay lalakas. Naku po! Ibig bang sabihin nito ay may mga politicians tayo na pinapatulan din ang padulas ng drug dealers?

Kung sabagay, mayroon nga iyong sinasabing Narc politicians.

Tsk … tsk … tsk … nakatatakot yata ito. Maging droga ay papatulan ng ilang desperadong mambabatas? Hindi naman po kasi biro ang kanilang mga sinunog noong nakaraang eleksyon.

Iyon nga lang malas nila. Hindi sila makababawi ngayon o kung makabawi man ay breakeven lang o kung kumita man ay baka barya lang. Kumbaga pambayad lang siguro sa condo ng kanilang kabit este, inuupahang condo pala para gawing munting opisina.

Pero ano naman itong info? Ipinagmamalaki raw ng kampo ni Luding na walang puwedeng makapagpahinto ngayon sa kanilang operasyon. Bukod nga sa ilang lokal na opisyal ng La Union ang nagbigay basbas sa jueteng nila para buksan, may mga opisyal din daw ng PNP na nakabase sa Kampo Crame ang nagbigay ng basbas.

Sino-sino kaya ang mga nakabase sa Kampo Crame ang ipinagmamalaki ng kampo ni alyas Luding?

Abangan!

Chief PNP, Gen. Alan Purisima, your attention is badly needed.

***

Nakahihiya ang gobyerno lalo na ang DTI. Sinasamantala ang mga biktima ni Yolanda. Sama-sama na nga sa pagbibigay ng libreng relief goods ang iba’t ibang bansa. Hayun, nagawa pa nilang magbenta ng mga goods sa mga biktima.

Oo nga’t may diskuwento ang mga ibinebenta sa mga biktima subalit, dapat bang mangyari ito. Nakahihiya! Tulong-tulong na nga ang lahat tapos nandiyan ang gobyernong PNoy. Nananamantala sa mga biktima.

***

Para sa inyong reklamo, reaksyon at suhestiyon, magtext lang sa 09194212599.

Almar Danguilan

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *