KUNG tutuusin dalawang takbuhan ang nangyari sa kaso ni John Paul Sapnu na biktima ng HIT AND RUN sa bayan ng Arayat sa Pampanga noon pang May 1, 2011. Una, nagtagal sa pagpapagamot sa hospital itong biktima dahil tinakbuhan nga ng nakabangga sa kanyang sinasakyang motorsiklo. Pangalawa, hindi nagpakita kahit anino ng suspek bagamat nakilala naman ng maraming saksi.
Batay sa POLICE REPORT na ipinakita sa atin ng kaibigan ng biktima na pirmado ni PO3 FERNANDINO PASCUAL, 5:30 ng hapon ng naturang araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Olongapo-Gapan Road na nasasakop ng Bgy. San Nicolas sa Arayat.
Ang nakabangga umano ay sakay ng isang kulay itim na TOYOTA HI ACE VAN na may plakang NQR 559. Nang maganap ang banggaan, hindi na raw huminto ang naturang van at agad tumalilis. Mabuti na lamang at naplakahan ng biktima at ilan pang saksi.
Sa ginawang pangsisiyasat ng pulis, sa pangunguna noon ni Supt. Richard Saavedra, napag-alaman mula sa Land Transportation Office branch sa San Fernando City na ang Hi Ace van ay pag aari ng isang nagngangalang MARIA TERESA Z. UY na may address na 2512 Severeno Reyes Street, Sta. Cruz, Manila. Hindi po matiyak hanggang ngayon kung si Maria Teresa ang nagmamaneho ng nasabing sasakyan noong mangyari ang insidente.
Sa isang liham, inimbitahan ng Arayat Police si Bb. Uy para isang paglilinaw ngunit DEADMA to the max ang mga opisyal. May petsang May 9, 2011 ang nasabing liham ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin MARIA TERESA UY na nagpapakita sa mga biktima. Sa madaling salita, ang nangyaring banggan ay tila nababaon na sa limot. Bagamat tukoy ng mga pulis ang tirahan ni UY tila kulang sila sa follow-up. Paki check nga po ito, mga magigiting nating opisyal ng PNP diyan sa Region ni Bong Pineda, este Gov. Lilia Pineda pala.
Sa isang Traffic Accident report na pirmado ni Supt. Saavedra at PO3 Pascual noong June 14, 2011, sinabing ang kasong isasampa sa may sala ay “Reckless Imprudence Resulting In Physical Injury and Damage to Property (hit and run).”
Pero tila ang PNP ang naging RECKLESS at IMPRUDENT dito dahil wala pa rin linaw. Malalaman po natin. Kung may update sa kaso, bukas po ang pitak na ito para sa mga karagdagang impormasyon.
Joel M. Sy Egco