PROBLEMA ng Global Port kung paano pipigilan ang mga higanteng sina Japhet Aguilar, Gregory Slaughter at Jay-R Reyes sa kanilang bakbakan ng Barangay Ginebra San Miguel sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang 8 pm sa the Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa unang laro sa ganap na 5:45 pm ay magbabawi naman sa nakaraang kabiguan ang Talk N Text at Alaska Milk.
Dinodomina nina Aguilar, Slaughter at Reyes ang shaded area at ito ay ipinamalas nila sa unang dalawang games kung saan naihatid nila ang Gin kings sa panalo kontra SanMig Coffee (86-6) at Rain Or Shine (97-84).
Si Aguilar ay nag-average ng 18.5 puntos at siyam na rebounds. Si Slaughter, ang top pick sa nakaraang draft, ay nag-average ng 14 puntos at 13 rebounds samantalang si Reyes, na nakuha buhat sa Meralco, ay may 7.5 puntos at pitong rebounds.
Ang iba pang nag-aambag ng malaki sa Barangay Ginebra ay sina Mark Caguioa, LA Tenorio, Jayjay Helterbrand, Mac Baracael at Dylan Ababou.
Ang Global Port ay nakabawi sa 97-87 pagkatalo sa Petron Blaze sa pamamagitan ng 114-100 panalo kontra Air 21.
Laban sa Express, ang Batang Pier ay pinamunuan ng prized rookie na si Terrence Romeo na gumawa ng season-high 34 puntos. Si Romero ay isa sa apat na rookies ng Global Port. Ang iba’y sina RR Garcia, Nico Salva at Justin Chua.
Main men ng bagong head coach na si Ritchie Ticzon sina Solomon Mercado at Jay Washington.
Ang Alaska Milk (2-1) ay natalo sa Barako Bull, 97-93 noong Linggo. Sa larong iyon ay lumamang ng 15 puntos sa fourth quarter ang Aces subalit tumukod.
Ang Talk N Text (1-1) ay binigo naman ng Petron Blaze, 77-63 noong sabado.
Magpapatuloy ang aksyon sa Linggo sa MOA Arena din kung saan maghaharap ang SanMig Coffee at Air 21 sa ganap na 3 pm at magkikita naman ang Barako Bull at Rain Or Shine sa ganap na 5:15 pm.
(SABRINA PASCUA)