INALMAHAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang batikos na sini-single out ng gobyerno si 8-division world champion Manny Pacquiao kaugnay sa kinakaharap ng tax case.
Binigyang-diin ni BIR Commissioner Kim Henares, naging maluwag pa sila sa Saranggani congressman dahil alam nilang abala ang boksingero sa kanyang training sa katatapos na laban kay Brandon Rios.
Paliwanag ng opisyal, alam ni Pacquiao ang kinakaharap na problema at sa katunayan, noong Oktubre ay naghain ng apela ang boxing icon.
“October, nag-file po siya laban sa amin sa Court of Tax Appeal. So, ano hong unfair. Tsaka, dalawang taon na ho namin silang kinaka-usap, eh wala naman silang maipakita sa amin. Ano’ng unfair doon?,” giit ni Henares.
Dagdag pa ni Henares, dalawang taon silang naghintay para matugunan ni Manny ang hinihinging dokumento ng batas ngunit walang naipakita.
Kinompirma rin ng opisyal na sumulat sa kanila ang Top Rank kaugnay sa pagbayad ni Manny ng kaukulang buwis sa Internal Revenue Service sa Amerika, ngunit ayon sa BIR chief, hindi ito ang hinihingi nilang papeles mula sa panig ng Filipino ring icon.
“Iyong sulat ng Top Rank, para lang ho iyan scratch paper. Hindi naman ho iyan pwedeng tanggapin bilang ebidensya.”
Una nang naglabas ng sama ng loob si Pacman kung bakit siya sini-single out.
Aniya, bakit may mga nagnanakaw sa gobyerno ngunit iba ang pagtrato.
Ang kanyang pera aniya ay hindi ninakaw at hindi galing sa PDAF at DAF kundi galing sa suntok at boksing.
Sinabi pa ni Pacman, nagpapabugbog siya nang husto at puhunan ang dugo at pawis, ngunit kinukuha ng gobyerno ang kanyang kita rito.
“Nagpabugbog ako, kumita ako, kinuha ng gobyerno. Pero pag nagnakaw ka – wala pa akong nakitang nagnakaw nang marami, pero na-garnish lahat ng pera,” ani Pacquiao. (HNT)