ISINUGOD sa pagamutan ang 18 katao kabilang ang dalawang bata, nang masugatan at masaktan nang sa kanila sumabog ang mga paputok na bahagi ng selebrasyon ng kapistahan ng Christ the King sa Dagupan City, Pangasinan kamakalawa.
Ayon sa ulat, nagtipon-tipon ang mga tao sa St. John Cathedral sa Dagupan para manood ng fireworks display na bahagi ng selebrasyon sa kapistahan.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, imbes na lumipad pataas ang mga paputok, lumipad ang mga ito patungo sa mga tao at sunod-sunod na sumabog.
Nasugatan dahil sa pagsabog ang ilan sa mga nanonood habang ang iba ay nasaktan dahil sa pagtutulakan.
Ayon sa nagsindi ng mga paputok na si Rodolfo Mendoza, natumba ang pinaglalagyan ng mga paputok kaya lumipad patungo sa mga tao. Sinikap niyang agapan na maitayo ang pinaglalagyan ng mga paputok ngunit huli na.