ANG tagal namang manganay nitong karerahang Metro Turf sa Malvar-Tanauan City, Batangas.
Kung noong unang mga nakaraang buwan ay pinagbibigyan ng mga karerista ang mga kapalpakan nitong Metro Turf, ngayon ay tuluyan nang naasar ang maraming mananaya sa karerahang ito.
Katunayan ng sinabi ko ay pagliit ng mga grose sa Daily Double at Forecast at iba pang betting.
Ang nakakaasar dito sa Metro Turf ay madalas nilang ibando sa madlang karerista na World Class itong karerahan sa Malvar.
Pag sinabi mo kasing world class, kasama na roon ang serbisyong ibinibigay sa Madlang Karerista.
At dapat binubura na nila ang mga nakaraang kapalpakan sa isip ng tao. Pero hindi e.
Katulad na lang nitong nakaraang Lunes (Nov. 25). Clear winner sa Race 2 ang kabayong Something New (No.6). Pero nagkabalikatan sa segunda puwesto ang bumanderang Power Gear (No.4) at ang malakas na rumemate na Super Elegant (3).
Kung malinaw kasi na nanalo ang Something New, malinaw din sa mga mata ng halos lahat ng karerista na masyadong dikit ang pagtatapos sa segunda ng Power Gear at Super Elegant. Mayorya nga ng nakapanood kasama na ang inyong lingkod na naniniwala na medyo lamang sa datingan ang Power Gear at hindi lumagpas ang Super Elegant sa meta.
Maging si Ira Herrera na nasa panel ay naniniwalang dapat i-photo finish ang laban dahil ibinibigay niya ang dibidendo ng posibilidad na 4 ang sumegunda at ang dibidendo rin ng 3. So kung ibinibigay niya sa Madlang Karerista ang dalawang posibleng dibidendo—dapat talagang i-photo finish ang nasabing pagtatapos.
Pero hindi. Walang photo-finish na nangyari. Bigla na lang lumabas sa monitor na nanalo ang Something New at segunda ang Super Elegant.
Anak ng patola! Nasaan naman ang respeto ng Metro Turf sa mga mananaya? Lalo na dun sa mga tumaya sa forecast kay Power Gear?
Simple lang kasi ang hiling ng mga mananaya. Kung very close ang laban, dapat idaan sa photo finish. Ano iyon, sira na naman ang camera ng Metro Turf? Maging ang slomo ng pagtatapos na nasabing laban ay hindi ipinakita sa madla. Ano iyon sira rin ang slomo ninyo?
Ganoon ba ang sinasabing world class?
Alex Cruz