TULOY na sa Sabado, Nobyembre 30, ang Pinoy Pride XXIII: Filipinos Kontra Latinos sa Smart Araneta Coliseum simula alas-6 ng gabi.
Idedepensa ni Donnie “Ahas” Nietes (31-1-4, 17 KO) ang kanyang WBO lightflyweight title kontra sa kanyang challenger na si Sammy “Guty” Gutierrez (33-9-2, 23 KO) sa main event ng nasabing fight card na handog ng ALA Promotions at ABS-CBN Sports.
Si Gutierrez ay dating kampeon sa WBO minimumweight division na hawak ngayon ni Merlito “Tiger” Sabillo (23-0-0, 12 KO).
Idedepensa ni Sabillo ang kanyang korona kontra kay Carlos “Chocorroncito” Buitrago (27-0-0, 16 KO) ng Nicaragua sa supporting main event.
Sasabak din si WBO International flyweight champion Milan Melindo (29-1-0, 12 KO) kontra Jose Alfredo “Torito” Rodriguez (29-2-0, 18 KO) at WBO International lightwelterweight champion Jason “El Nino” Pagara (31-2-0, 19 KO) kalaban ni Vladimir Baez (19-1-2, 17 KO) ng Dominican Republic.
Bukod dito ay lalaban din si AJ “Bazooka” Banal (29-2-1, 21 KO) kontra Lucian Gonzalez (14-7-2, 3 KO) sa isang 10-round bantamweight na laban at Jimrex Jaca (38-6-3, 21 KO) kontra Wellem Reyk (17-7-3, 5 KO) ng Indonesia sa isang anim na round na laban sa lighwelterweight.
“This is the biggest Pinoy Pride fight card we are organizing,” wika ng bise-presidente ng ALA Promotions na si Dennis Canete kahapon sa PSA Forum sa Shakey’s Malate. “So far, 40 per cent of the tickets are already sold but we are confident that we can sell more tickets before fight night.”
Ipalalabas ang buong card ng Pinoy Pride XXIII sa Disyembre 1, alas-10:15 ng umaga sa ABS-CBN Channel 2 at may primetime replay kinagabihan sa alas-nuwebe sa Studio 23.
(James Ty III)