PASASAYAHIN ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Yellow Ribbon Movement (YRM) ang mga batang taga-Leyte na inatake ng super typhoon Yolanda sa pagsasagawa ng mga katutubong laro para sa kalusu-gan at kahusayan.
Raratsada ang ikalawang yugto ng PNOY Sportsfest ngayong alas otso ng umaga sa Burnham Green sa Rizal Park sa Maynila kung saan ay 20 mga bata mula sa lugar ng Leyte ang isinali upang makipaglaro sa mga kapwa nila bata na taga-Maynila.
Sinabi ng organizer ng nasabing event kahapon sa naganap na Philippine Sportswriters Association, (PSA) forum sa Shakey’s Malate, Manila, na ang dapat lang na kasali ay ang mga batang taga-Maynila subalit isinama na rin nila ang ibang mga bata sa Leyte upang kahit paano ay sumaya sila matapos ang trahedyang dinanas sa bagyo.
Lalaruin ng mga bata sa event ay ang Sipa, Taguan, Football, Patintero, Luksong-Tinik at iba pang mga larong Pinoy.
Ang mga espesyal na panauhin sa ikalawang PNOY SPORTS ay ang aktor na si Carlos Agassi at ang Filipina bodybuilder na si Luz McClinton.
Layunin din ng mga organizers na maibalik sa mga bata ang tradisyunal na larong Pilipino at pagkakaibigan na rin sa isa’t-isa.
Bukod sa mga laro, magkakaroon din ng medical mission sa pangunguna ng PCSO.
Ang unang yugto na bahagi ng taunang pag-alala sa kamatayan ni Sen. Ninoy Aquino, ay ginanap noong Agosto 30, 2013 sa Quezon City Memorial Circle at 700 ang mga batang naglaro na mga taga QC.
(ARABELA PRINCESS DAWA)