DAPAT nang maglabas ng pondo ang pamahalaan para sa cash for work program sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Inihayag ito ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto at idiniing ito ay upang
mabigyan agad ng trabaho at livelihood program ang mga biktima ng bagyo.
Ayon kay Recto kailangan ng mga biktima ng employment upang makapag pagawa sila ng kanilang bahay.
Bukod aniya sa pagbibigay ng bags ng grocery ay nararapat ding magkaroon ng trabaho ang mga biktima.
Samantala, hiniling naman ni Senador JV Ejercito sa Bureau of Internal Revenue na maawa sa mga biktima ng kalamidad at pagkalooban ng 2 taon moratorium sa lahat ng uri ng taxes sa mga lugar na matinding nasalanta ng bagyo.
Batay sa Senate Resolution No. 370, hiniling ni Estrada na magpatupad ng 2 years moratorium sa Samar, Leyte, Iloilo, Capiz, Aklan, Palawan, at iba pang mga lugar na sinalanta ng bagyo upang makaiwas sa multa sa pagbabayad ng tax.
(CYNTHIA MARTIN/NIÑO ACLAN)
SURVIVORS PASOK SA CASH FOR WORK
TACLOBAN CITY – Umaabot sa 8,000 hanggang sa 10,000 indibidwal ang nangunguna sa paglilinis sa lungsod ng Tacloban bilang bahagi ng “cash for work program” ng gobyerno.
Ayon kay Vice Mayor Jerry Yaokasin, ang libo-libo katao na nanguna sa paglilinis sa lungsod ay nagmula sa iba’t ibang mga bayan sa lalawigan ng Leyte.
Nabatid na ilang non-government organization (NGO) na nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa “cash for work program”, ay nagbibigay ng P500 kada araw para sa cleanup operation.
Una na ring hiniling ni DSWD Secretary Dinky Soliman sa mga nagsasagawa ng nasabing programa na makipag-ugnayan sa DPWH at MMDA upang kaagad mahakot ang mga basura na nakukuha mula sa mga looban.
116 BUNKHOUSES ITATAYO NG DPWH SA REGION 8
TACLOBAN CITY – Pinamamadali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpatayo ng 116 bunkhouses sa Tacloban City at mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda sa Region 8.
Ayon kay DSWD Secretary Dinky Soliman, kinakailangan na maitayo agad ang temporary shelters upang masilungan ng mga evacuee na siksikan sa evacuation centers.
Inihayag ni Soliman, nasa 10 units ng bunkhouses ang kanilang itatayo dito lamang sa lungsod na maaaring masilungan ng 240 pamilya.
Bukod sa Tacloban, may bunkhouses din na itatayo ang DPWH sa mga bayan ng Palo, Tanuan, at Tolosa, na maaaring matirhan ng 24 pamilya sa isang unit nito.