NAKATAKDA nang ipatupad ng pambansang pulisya ang bagong batas hinggil sa pagbibitbit ng armas.
Ito’y matapos lagdaan ni PNP Chief Police Director General Alan Purisima ang implementing rules and regulations (IRR) para sa bagong batas, ang RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations.
Bago matapos ang taon, tiniyak ng PNP na maipatutupad na ang bagong batas sa pagbibitbit ng armas.
Ayon kay Senior Supt. Wilben Mayor, spokesman ng PNP chief, matapos malagdaan ang IRR, ipalalathala nila ito sa mga pahayagan at pagkalipas ng 15 araw kasunod ng publikasyon, dito na ipatutupad ang bagong batas.
Sinabi ni Mayor na ang naturang batas sa pagbibitbit ng baril ay mas mahigpit ang mga nilalamang probisyon.
Kabilang sa mga parusa na ipapataw sa mga lalabag ay ang pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon at nakadepende sa bigat ng kanilang kaso.
Samantala, sinabi ni PNP Chief Alan Purisima, ang bagong batas sa pagbibitbit ng baril ay malaking tulong sa kampanya ng PNP laban sa loose firearms.