HINDI pa lubusang makatatahak sa ‘tuwid na daan’ ang Bureau of Customs dahil may ilan pang tiwaling opisyales ang sumasalungat sa reporma at patuloy sa kanilang raket sa Aduana at nakikipagsabwatan sa mga ismagler.
Ito ang buod ng impormasyong ibinunyag sa taga-media ng isang opisyal ng Customs Employees Union makaraang umusad ang balasahan sa nasabing ahensiya na tinaguriang isa sa mga pinakatiwaling kawanihan ng gobyerno.
Ayon sa nagbunyag na union offficer, inalarma na ng kanilang pamunuan si Deputy Commissioner for Intelligence Jessie Dellosa hinggil sa patuloy na raket ng nalalabing tiwaling opisyales tulad ng palusot ng mga kontrabando, dagdag-bawas sa pagtasa ng bayaring buwis at tahasang pangongotong sa importers.
“Tinukoy na ng aming pamunuan ang ilan sa mga nalalabing kalawang sa BoC tulad ng dalawang dating nakatalaga sa enforcement division. Ang grupo ng dalawang ito ang tinatawag sa Aduana na ABU-SAGI, at pinaniniwalaang patong nila ang isang Ka Bading na bagong talaga sa intelligence division,” pahayag ng nagbunyag na union officer.
Ipinaliwanag niya ang raket ng grupong ABU SAGI:
“Pumapapel sila sa intelligence monitoring group at ipinaaalerto ang mga parating na kargamento upang makipag-ayos ang broker nito, na malinaw na dating gawi ng pangongotong.”
Ayon pa sa nagbunyag na officer ng employees union, kasabwat umano ng ABU SAGI ang magkapatid na ismagler na kilala sa Aduana sa tawag T-Bros at silang bumabaterya sa corrupt na Customs officials upang ipaalerto ang mga kargamento ng kanilang kalaban sa hanapbuhay.
“Alam sa buong Aduana na ang grupo nina ABU-SAGI ang protector ng T-Bros at sila ang magkasanib na kalawang na sagabal sa repormang nais makamit ng Customs at sila rin ang patuloy na nagbibigay ng masamang imahe sa BoC,” pagtatapos niya.