MAKARAAN ang pagpapatupad ng forced evacuation dahil sa oil spill, nagmistulang ‘ghost town’ ang Brgy. Botongon sa Estancia, Iloilo.
Batay sa ulat ng Department of Health (DoH), umabot na sa 16.9 parts per million (ppm) ang benzen chemical na tumagas mula sa bunker fuel, mas mataas ito ng 30 beses sa normal na 0.5 ppm kaya ipinatupad ang agarang paglikas.
Isinagawa ang force evacuation matapos makompirma na ilang residente na rin ang sumama ang pakiramdam dahil sa masangsang na amoy ng bunker fuel.
Nananatili sa evacuation centers ang 231 pamilya o mahigit 800 residente.
Inaasahang aabot sa 3,000 indibidwal ang magsisilikas kaya patuloy ang paghahanda ng mga opisyal.
Ayon sa oil spill coordinator ng National Power Corporation (Napocor) na si Roy Paje, darating ang barge ng contractor na Kuan Yu Global upang simulan ang pagsipsip sa langis na naiwan sa barge sa loob ng tatlong linggo. (BETH JULIAN)