ANIM katao ang nasakote ng mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na nakatalaga sa “Oplan Salubong” sa Villamor Air Base dahil sa pagnanakaw ng relief goods para sa Yolanda victims kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Agad dinala ng mga tauhan ng Security Forces Squadron sa Pasay city police ang mga suspek na sina Remar Saringan, 40; Reynaldo Fontanilla, 56; Larcy Fontanilla, 36; Percival Nuez, 47; Adelaida Esteves, 55; at Zaldy Nuez, 52; pawang mga residente ng Sycamor St., Kingsville Hills, Antipolo City, habang patakas dala ang relief goods na nagkakahalaga ng mahigit P800,000.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkunwaring mga volunteer ang mga suspek na tutulong sa pamamahagi ng pagkain sa mga evacuees habang abala naman sina Saringan, Nuez at Esteves sa paglalagay ng relief goods sa plastic bag na kanilang inilalagay sa isang lugar.
Dumating ang isang van mula MIAA motorpool na minamaneho ni Fontanilla dakong 9:00 ng gabi at agad isinakay ang mga relief goods pero lingid sa kanilang kaalaman, tinitiktikan na sila ni T/Sgt Bobby Abner Dela Cruz kaya’t bago pa sila makaalis, nasakote na sila sa gate ng Villamor Air Base.
Dinala ang mga suspek sa Pasay City General Hospital upang ipasuri pero nakatakas si Zaldy Nuez.
Sasampahan ng kasong pagnanakaw ng Regional Director ng Department of Social Welfare and Development, National Capital Region (DSWD-NCR) ang mga suspek. (JAJA GARCIA)