ISANG building pala ang ginagawa d’yan sa Ongpin St., sa Binondo.
Ang pangalan ng building ay ANCHOR, hi-rise at tila isang condominium.
Heto ngayon ang siste, wala man lang net o ano mang haharang sa mga alikabok at debris na babagsak mula sa nasabing construction kaya ang napeperhuwisyo ay ‘yung mga nagpupunta sa Binondo lalo na ‘yung mga naninirahan malapit sa nasabing area.
‘E alam n’yo naman po ang ONGPIN St., napakakitid na KALYE n’yan at maraming residensiya sa kahabaan n’yan.
Subukan po ninyong magpunta sa ONGPIN d’yan sa parteng malapit sa kinokonstruksiyon na ANCHOR Building at makikita ninyo ang mga tao sa mga establishment gayon din ‘yung mga dumaraan ‘e naka-respiratory mask.
‘E kasi nga po, nalalanghap nila ang alikabok, semento at buhangin inililipad ng hangin.
Ilang beses na nilang inireklamo sa barangay, sa Manila Engineering Office at sa City Hall pero parang WALA-WALA lang.
Tsk tsk tsk …
Malamang bago matapos ang konstruksiyon n’yan ‘e sandamakmak na ang may respiratory disease d’yan sa Binondo …
Paging Manila Engineering Office! Paging DENR!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com