TACLOBAN CITY – Umaabot na sa 4,927 katao ang naiulat na namatay sa nangyaring pananalasa ng super typhoon Yolanda sa Region 8.
Ito’y batay sa inilabas na report kahapon ng Office of Civil Defense (OCD-8) mula sa Ormoc City, Tacloban City, Baybay City at Borongan City.
Kasama rin sa naturang bilang ang casualties na nagmula sa lalawigan ng Leyte, Western Samar, Eastern Samar at Biliran province.
Base sa ulat ng ahensya, umaabot sa 27 ang patay at walong missing sa Ormoc City; sa Tacloban City ay nasa 1,725 ang namatay habang 450 ang missing; sa Baybay City ay dalawa; Borongan City ay may walo; Leyte province (40 towns) ay may 2,678 casualties habang 1,066 missing; sa Western Samar (Basey, Marabot towns) umaabot na sa 224 casualties, 38 ang missing; sa Eastern Samar (12 towns) 258 casualties, 20 missing; Biliran province (8 towns) lima naman ang naitalang patay.
Ang nasabing bilang ay batay na rin sa isinagawang validation ng DILG kasama ng PNP.
INT’L AID SA YOLANDA VICTIMS, P15-B NA
UMABOT na sa halos P15-billion ang nalikom na pondo ng gobyerno mula sa donasyon ng iba’t ibang mga bansa at international organizations para sa nagpapatuloy na relief at recovery operations sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda.
Sa latest report mula sa Foreign Aid Transparency Hub (Faith), naitala na sa kabuuang $330-million o P14.4-billion ang naipaabot na tulong para sa mga biktima ng bagyo.
Sa nasabing halaga, P4.4-billion ay sa pamamagitan ng cash habang nasa P10-billion naman ang non-cash donations.
Ang nasabing tulong ay nanggaling sa 53 bansa at international organizations.
Una nang naglunsad ang UN ng $301 million na flash appeal bilang tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
TASK FORCE SA YOLANDA REHAB BUBUUIN
INATASAN ni Pangulong Benigno Aquino III ang kanyang gabinete kahapon na magbuo ng task force na mamamahala sa komprehensibong programa para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
“President Aquino directed the Cabinet yesterday to hasten the transition of relief efforts into the full-scale rehabilitation and rebuilding of typhoon-damaged areas. He formed a task group that will present a comprehensive rehabilitation program that will be tackled by the Cabinet not later than Wednesday, November 27,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio Coloma Jr.
Itinalaga ng Punong Ehekutibo ang dating gobernador ng Leyte at ngayo’y Energy Secretary na si Jericho Petilla bilang coordinator ng nasabing task group.
Ani Coloma, may kanya-kanyang toka ang bawat miyembro ng gabinete sa task group gaya ni Public Works Secretary Rogelio Singson sa shelter at reconstruction; Petilla sa power restoration; sa livelihood at employment sina Agriculture Secretary Proceso Alcala, Labor Secretary Rosalinda Baldoz, at TESDA Director-General Joel Villanueva; sa resettlement at psycho-social care si DSWD Secretary Dinky Soliman; sa environmental protection si DENR Secretary Ramon Paje; sa resource generation at allocation sina Finance Secretary Cesar Purisima, Budget Secretary Florencio Abad, at Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario.
Magiging mahalagang salik din sa rehabilitation program ang tulong ng mga local na pamahalaan na pangangasiwaan naman ni Interior Secretary Mar Roxas.
(ROSE NOVENARIO)
PROBE SA YOLANDA CASUALTIES IKINASA
PINASIMULAN na ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang pagsisiyasat kung bakit napakalaki ng naitalang bilang ng mga namatay sa Tacloban City, Tolosa, Tanauan, Palo, Dulag at karatig lugar sa pananalasa ng bagyong Yolanda.
Sinabi ni Communications Sec. Sonny Coloma, inatasan ng Pangulong Aquino sina Justice Secretary Leila de Lima at Secretary Mario Montejo ng DoST para pangunahan ang imbestigasyon.
Ayon kay Coloma, may satellite tracking records ang DoST para makita ang epekto ng bagyo at kung saan lubhang naminsala.
Napag-alamang 90 percent ng mga namatay sa bagyo ay galing sa mga naturang lugar.
“Konting dagdag lang po doon sa post-Yolanda action plans, the President also noted the extraordinarily high number of casualties in Tacloban City, Tolosa, Tanauan, Palo, Dulag and the nearby areas that according to the statistics account for more than 90 percent of all the casualties. He directed Justice Secretary Leila de Lima and Secretary Mario Montejo of DoST to look into this matter. Secretary Montejo said that there are available satellite tracking records that will show the impact of the typhoon and which were the really hardest-hit communities,” ani Coloma.
7 ESTABLISHMENTS SA REGION 6 SANGKOT SA OVERPRICING
ILOILO CITY – Sinimulan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pag isa-isa sa mga establisemento sa Rehiyon 6 na namamantala sa mga biktima ng kalamidad.
Ayon kay kay DTI Reg. 6 Dir. Wilhelm Malones, nasa pitong establisemento na ang pinagpapaliwanag sa kanilang overpricing sa mga produkto na kanilang itinitinda matapos matuklasan na 15-20 porsyento na mas mataas ang presyo nito.
Inihahanda na rin ang isasampang kaso laban sa mga establisemento
Iminungkahi rin nito sa mga mamimili na itago ang kanilang resibo bilang ebidensya sa mga mapagsamantalang negosyante at agad magreklamo sa kanilang tanggapan.
Napag-alaman na kahit may price freeze kasabay ng deklarasyon ng state of calamity, marami pa ring mga negosyante ang nagtataas ng presyo ng kanilang produkto lalo na ang construction materials kagaya na lamang ng pako na umaabot sa P200 ang bawat kilo.