NAGDESISYON na ang Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang “Pork Barrel” na tinatawag ng Kongreso na “Priority Development Assistance Fund.” Ang resulta ng botohan ng mga mahistrado ay 14 – 0 sa pagsasabing illegal ang nabanggit na pondo maliban sa isang nag-abstain.
Samakatuwid, matagal na palang lumalabag sa Saligang Batas ang mga mambabatas. At idagdag pa natin na idiniin pa ng Korte Suprema at inaatasan ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na usigin at ipagharap ng sakdal ang sino mang mambabatas at mga opisyal ng gobyerno na gumawa ng katiwalian sa pamamagitan ng “pork barrel.” Ang ganitong klase ng mga salita ay mariing sampal sa karamihan ng mga senador at kongresista.
Kung sa bagay ay hindi lang ito ang isang pagkakataon na talagang lumalabag sa Konstitusyon ang mga mambabatas. Iyan ay lantad na lantad din sa isyu ng “political dynasty” at inaatasan ang Kongreso na magpatibay ng “enabling law” para umiral ang probisyong ito ng Saligang Batas. Pero ito ay matagal nang hindi iniintindi ng mga mambababatas at sila mismo ang nagtatag ng dinastiya sa politika. Iyan ay maliwanag na pambabastos sa diwa ng Saligang Batas.
May kilusang dating itinataguyod ang dating Punong Mahistrado na “People’s Initiative” laban sa pork barrel. Pero ngayon nagkaroon na ng desisyon ang Korte Suprema sa isyung iyan ay masasabing ang nabanggit na kilusan ay “moot and academic” na. Siguro ay makabubuting pamunuan naman ni Chief Justice Puno ang isa pa rin “People’s Initiative” kontra naman sa “political dynasty.” Kung sinasadya ng Kongreso na huwag gumawa ng “enabling law” para umiral ang probisyon ng konstitusyon laban sa “political dynasty” ay ang taumbayan na ang gumawa nito sa pamamagitan ng “people’s initiative.”
Marami ang nagtatanong kung bakit noon ay iba ang desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng “pork barrel” at sinasabing ito’y nasasang-ayon sa konstitusyon. Hindi raw ba iyan ay maliwanag na pagbaligtad sa mga naunang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman? Ang sagot hindi naman eksaktong ganoon. Sapagka’t ang niresolbang punto noon ay kung may kapangyarihan ang mga mambabatas na magrekomenda ng mga proyekto sa sangay ng ehekutibo (samakatuwid ay “recommendatory”). Sa estriktong kahulugan ay wala namang masama na mag-rekomenda.
Pero ngayon ay iba na ang situwasyon. Hindi na rekomendasyon ang nangyayari kundi lumalabas na sila na mismo ang “implementor” sa pamamagitan ng ginagawang mga maniobra. Kung baga ay garapal na.
Sa kabilang dako, ay dapat din sigurong itanong sa Korte Suprema itong matagal nang napapabalita na “pork barrel” ng mga konsehal ng ilang lungsod dito sa Mentro Manila at marahil sa iba pang karatig bayan at mga siyudad. Kung labag ang “pork barrel” ng mga mambabatas ay labag din ang ganitong pondo ng mga nabanggit na konsehal, hindi po ba?
Para sa katanungan at suhestiyon ay tumawag o mag-text sa 0927-713-10-49.
ni Peter Talastas