PAGKATAPOS na pakawalan siya ng Barako Bull, may plano si Danny Seigle na bumalik sa Petron para maging maganda ang pagtatapos ng kanyang paglalaro sa PBA.
Tuluyan nang nakipaghiwalay ng landas si Seigle sa Barako Bull pagkatapos na hindi siya binigyan ng bagong kontrata ng Energy Colas.
Dating manlalaro si Seigle ng San Miguel Beer mula 1999 hanggang 2009 nang siya’y na-trade sa Air21 at pagkatapos ay lumipat siya sa Barako.
Sa ngayon ay 12 na manlalaro lang ang nasa lineup ng Blaze Boosters kaya puwedeng isingit ni coach Gee Abanilla sina Seigle at Danny Ildefonso kung magkakasundo silang dalawa sa koponan.
Nagpasalamat si Seigle sa pagkakataon na ibinigay ng Barako sa kanya.
“I am grateful to have been given the opportunity to play for the franchise these past two years. Wishing Barako Bull all the best,” aniya.
Hindi haharangin ng Barako ang plano ni Seigle na lumipat sa bagong koponan.
Nag-average si Seigle ng 11.7 puntos, 4.6 rebounds at 1.3 assists sa 31 na laro para sa Barako.
Samantala, isang source mula sa San Miguel Corporation ang nagsabing nais ng Petron na ipagpatuloy ni Ildefonso ang pagiging mentor ni Junmar Fajardo kaya plano ng koponan na gawin siyang assistant coach.
Ngunit ayon din sa source, makikipag-usap muna si Ildefonso sa pamumuan ng SMC upang humingi ng paumanhin sa kanyang mga komento tungkol sa pag-trade ng mga dati niyang kakamping sina Seigle at Dondon Hontiveros at ang pagsibak kay Olsen Racela bilang head coach.
Ang mga komentong ito ay naging dahilan umano kung bakit tinanggal ng Petron si Ildefonso sa lineup. (James Ty III)