NOONG Linggo pa po natin nalaman na nakatakdang ideklarang ilegal ng Korte Suprema and Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga kongresista nang itawag sa akin ng aming reporter na si Jomar Canlas ng Manila Times. Mahusay talaga ang Senior Reporter naming ito. Congrats sa scoop, pare! Good job! Habang ine-edit ko ang istorya ni Jomar, medyo napapangiti ako dahil ang naturang kautusan na ang tatapos sa kaululan ng mga nagpasasa at nagpapasasa pa sa PORK BARREL gaya nina Janet Lim-Napoles, ‘TANDA,’ ‘POGI,’ at ‘SEXY’ na mga alias ng tatlong senador na umanoy’ tumabo ng milyones sa PDAF SCAM. Ngayon idineklara na ng Korte na UNCONSTITUTIONAL ang PDAF, pihadong nangingilid-ngilid na naman ang luha ng tatlong senaTONG at iba pang mga dating TONGresman na naging kakutsaba ni Napoles sa pandarambong ng pera ng taumbayan. Bakit hindi sila kakabahan? Bukod sa patong-patong na kaso ng PLUNDER at GRAFT, malinaw na sa mata at kaisipan ng mamamayan na ang mga pondong iniluwal gamit ang MAKASALANANG PDAF ay pawang ilegal. Sabagay busog naman ang bulsa ng mga hinayupak! He-he-he.
Sa botong 14-0, ipinakita ng SC na sila pa rin ang huling sandigan ng bayan. Ang 14 mahistrado na bumoto laban sa PDAF ay maililista na sa kasaysayan bilang mga naging daan para mabawasan ang korupsiyon, political patronage at sana, SANA ang mga political dynasty. Alam ba ninyong mahigit 100 pamilya ang kumokontrol sa politika sa Pinas? Mga EPALyido, este apelyido na hindi nawawala sa political arena. Kung hindi papalitan ang nagretirong kaanak, dinadagdagan pa ng mga kapatid, anak, pinsan etcetera, etcetera. Tama ba, Gov. Nini Ynares ng Rizal?
Sakto naman ang SC ruling sapagkat natakatakdang isampa ng Justice department ang mga bagong kaso laban sa iba pang personalidad na GUMAHASA sa pera ng bayan. Kasama na rito ang mga nagpalabas ng CONGRESSIONAL INSERTIONS, o mga pondo na isinisingit ng bicameral conference committee ng Senado at Lower House bago gawing batas ang isang panukala.
Tinatawag na THIRD CONGRESS ang BICAM dahil matapos ang masusing debate sa magkahiwalay na kapulungan, alam ba ninyong nagkikita-kita ang mga SenaTONG at TONGresman sa mga CLOSED-DOOR meeting para doon i-finalize ang mga lalamaning porbisyon ng isang panukalang batas? Kasama na rito ang usapin sa pondo. Sa bicam nila inililipat-lipat ang mga alokasyon. Tsk. Tsk.
At dahil GOODBYE BABOY na, siguro naman puwede nang isaksak sa mga KURAL ang mga senaTONG at TONGresman at mga KULIG nila sa iba’t ibang departamento.
Masarap ang kaning BABOY para sa kanila.
Joel M. Sy Egco