BIGLANG naalala ni former world champion GM Gary kasparov ang magagandang alala nito nang una niyang makita ang Pilipinas pagtapak ng mga paa niya sa Ninoy Aquino International Airport noong Martes.
Unang nakarating si super grandmaster Kasparov sa Pilipinas noong 1992 upang pangunahan ang Russian team sa pagkopo ng titulo sa naganap na 30th World Chess Olympiad.
Nagkakagulo noon sa Russia subalit hindi naging hadlang sa 50-anyos Kasparov upang masira ang kanilang konsentrasyon sa laro.
Kasama ni Kasparov na dumating si Fide secretary general Ignatius Leong upang makipagkita kina National Chess Federation of the Philippines officials, president Prospero Pichay, at Asia’s first grandmaster Eugene Torre at mangampanya bilang presidente ng International Chess Federation.
Makakatunggali ni Kasparov si Russian Karsan Ilyumzhinov sa World Chess Federation (FIDE) presidential polls na gaganapin sa Agosto sa Tromso, Norway kasabay ng 41st World Chess Olympiad.
Naantig naman ang puso ni Kasparov sa sinapit ng mga Pinoy kay super typhoon Yolanda kaya naman nagbigay ito ng $10,000.
Samantala, naalala rin ni Kasparov nang una siyang maglaro dito sa Pilipinas, nagkaroon din ng kontrobersya sa ipinadalang players para sa Russian team.
Kasama noon sa team Russia si 2006-07 undisputed world champion Vladimir Kramnik.
Ayaw noon ng Russia na isali si Kramnik dahil hindi pa naibibigay sa kanya ang GM title subalit ipinaglaban ito ni Kasparov kaya nakasama ito bilang first reserve player.
Natuwa rin si Kasparov nang makita si Torre dahil apat na beses na rin silang nagharap sa tournament. (ARABELA PRINCESS DAWA)