NANG masalanta ng super bagyong si YOLANDA ang WARAY provinces (Leyte at Samar), marami sa mga kumilos ay WARAY GROUPS at kabilang po d’yan ang mga masisipag na miyembro natin sa Alab ng Mamamahayag (ALAM).
Pero meron palang WARAY GROUP d’yan sa Manila Action and Special Assignment (MASA) ng Manila City Hall na KOTONG ang lakad.
Gaya nga ng sabi natin kahapon, mahina ang P5,000 sa mga KTV club/bar at sauna habang P3,000 naman sa mga fun houses ang hatagan.
Ganito pala ang siste …isang opisyal d’yan sa MASA from Waray country ang inatasan ang isang retiradong pulis na kung tawagin ay alyas ADORAT.
Si alyas Adorat ang pinahawak umano ng Waray na opisyal ng MASA para sa mga collection sa club. Inutusan naman ni Adorat ang pulis na si PO-2-10 RASON para ikutan ang mga CLUB.
Tuwang-tuwa nga raw ang WARAY na opisyal ng MASAMA ‘este’ MASA dahil napakasipag ng kanyang inatasang mangolek-TONG sa mga KTV club/bar, sauna at fun houses.
Sa sipag nga raw ng kanyang mga KOLEKTONG ‘e mahina ang P300K kada linggo na pumapasok kay MASA official na isa raw Waray.
Tsk tsk tsk …
Hindi kaya nabubukulan si MASA head, Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., d’yan sa teritoryo niya kaya laging SAD STORIES ang drama niya?
O kayo ang nambubukol MAJOR IRINCO?
Nagtatanong lang po!
PAANO KUNG WALANG FOREIGN AID PARA SA YOLANDA VICTIMS?
NGAYON natin nakita kung gaano KAHINA ang GABINETE ni Pangulong Noynoy.
Sinsasabi natin ito hindi para laitin ang administrasyon kundi para makaambag tayo sa realisasyon na the PRESIDENT and his CABINET members must have a room for improvement lalo na sa pagtatalaga ng quick response team (QRT) sa mga sitwasyong gaya ng nangyari sa Visayas nitong Nobyembre 8.
Ang QRT po ay hindi lang para pagkatapos manalanta ng isang kalamidad kundi bago pa ito dumating lalo na kung naipahayag nang maaga ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan.
Sa totoo lang hindi natin masisisi ang mga kababayan natin kung mas BUMILIB sila sa FOREIGN GROUPS na maagap na nagpadala ng tulong para sa mga kababayan natin kaysa sa gobyerno natin.
Alam n’yo bang mas nauna pang nakarating ang RELIEF GOODS ng mga FOREIGN AID sa mga kababayan natin nasa mga isla at hindi pa mapuntahan ng team ni PNOY?!
Ang ikinalulungkot nga natin dito, nagdeklara nga ang Pangulo ng State of National Calamity pero hindi naman nagamit para sa mabilis na pag-rescue o pagpapadala ng pagkain sa mga kababayan nating nasalanta.
Ang State of National Calamity ay hindi simpleng deklarasyon, ito ay proklamasyon sa isang EMERGENCY SITUATION at gaya nga ng sinabi na natin, kailangang ESPISIPIKO ang tungkulin ng bawat ahensiya tungo sa layuning iligtas, pakainin at ilagay sa ligtas na lugar ang mga biktima.
Kasunod nito ay ang paglilinis sa lugar at paghahatid sa huling hantungan ng mga biktimang namatay.
Uulitin ko, mulat tayo na mahirap gawin ‘yan pero dapat pahalagahan ng PANGULO at ng GABINETE mismo ang pagdedeklara ng State of National Calamity.
Isang katunayan kung naiintindihan ba ng administrasyon ni PNOY ang deklarasyon ng State of National Calamity?
Bakit hindi nila kayang KONTROLIN ang presyo ng KRUDO at GASOLINA. Mantakin ninyong umabot na sa P250 hanggang P350 ang presyo ng kada litro pero walang ginagawa ang administrasyon para arestuhin ang problemang ‘yan?!
Kung hindi ito kayang ipatupad, bakit nagdedeklara?
Uulitin ko lang, paano na kung walang FOREIGN AID?
T’yak hanggang ngayon, ‘NGANGA’ ang mga kababayan nating nasalanta.
Mahal na PANGULO, pakilusin mo ang PRESIDENTIAL ADVISERS mo na daan-daang libong piso ang ipinasusuweldo mo!
PAKIKIRAMAY
IPINAABOT po natin ang taos pusong pakikiramay sa pamilya ni Honorable Marciano M. Pineda, former Congressman ng Pampanga 4th district Pampanga at dating NHA General Manager, na pumanaw kahapon, Nobyembre 19. Ang kanyang labi ay nasa Premiere Chapel 2 ng Loyola Memorial Chapel, Commonwealth Avenue, Q. C.
MABUHAY BARANGAY TALIPAPA HOMEOWNERS ASSOCIATION AND SENIOR CITIZENS
IMBES gastusin para sa kanilang Christmas and New Year’s celebration, ipinagkaloob ng San Agustin Residents and Homeowners Association at ng San Agustin Senior Citizens ang halagang P20,000 para sa mga biktima ng super bagyong Yolanda at mga biktima ng lindol sa Bohol.
Mabuhay po kayo!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com