LAGUNA – Pinugutan ng ulo ang sanggol na lalaki ng kanyang sariling ama sa Brgy. Taft, bayan ng Pakil, sa lalawigan ng Laguna kahapon.
Naganap ang insidente makaraan ang pitong araw matapos isilang ang biktimang si Vincent Charles Versoza ng kanyang inang si Jovelle Versoza.
Sa ulat ni Senior Insp. Jojo Sabeniano, hepe ng Pakil Police, dakong 11 a.m. nang magtungo sa himpilan ng pulisya si Jovelle at iniulat na pinugutan ng ulo ang kanyang sanggalo ng amang si Vicente Abogne, 37-anyos.
Agad nagresponde sa bahay ng pamilya ang mga pulis at tumambad sa kanila ang katawan ng sanggol na nakahiwalay na ang ulo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong 10 a.m., nang utusan si Jovelle ng suspek na maligo sa sapa kasama ang kanyang biyenan.
Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating din sa sapa ang suspek na duguan at sinabing maliligo rin.
Bunsod nito, humangos na umuwi sa kanilang bahay ang ginang at natagpuang pugot na ang ulo ng sanggol.
Bago ang insidente, sinabi ng suspek kay Jovelle ang katagang “Patayin mo ‘yan bata na’yan dahil tiyanak ‘yan, at malas ang inaanak ng trese.”
Ang suspek na kasalukuyan nang nakapiit sa Pakil municipal jail ay nahaharap sa kasong infanticide.
ni BOY PALATINO
8-ANYOS KINATAY NG ADIK NA INA
CAMP OLIVAS, Pampanga – Patay ang 8-anyos batang babae matapos pagsasaksakin ng kanyang adik na ina na nagtangka rin magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas ng kanyang tiyan kamakalawa ng umaga sa loob ng kanilang apartment sa Mt. View Subd., Brgy. Balibago, Angeles City.
Base sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PIO chief, Supt. Nelson Aganon, tagapagsalita ni Chief Supt. Raul Petrasanta, Central Luzon Police director, tadtad ng saksak ang biktimang si Sarah Gail Gloria, elementary pupil ng Saint Emiliana Academy of Excellence, natagpuang wala nang buhay sa kanilang apartment.
Habang isinugod sa Ospital Ning Angeles ang suspek si Emelyn Doque Gloria, 37, dahil sa sugat sa tiyan.
Sa pahayag ni Aling Milagros, 63, ina ni Emelyn, humingi sila ng tulong kay Brgy. Captain Rodelio Mamac na kung maaari ay madala sa rehabilitation center ang kanyang anak na drug addict dahil kakaiba na ang ikinikilos.
Ngunit pinababalik sila kinabukasan ng mga tauhan ng kapitan dahil wala sa barangay hall si Mamac.
Kinaumagahan, dakong 6:30 a.m., nakita na lamang nila si Emelyn na duguan habang palabas ng apartment.
Ngunit gayon na lamang ang kanilang panlulumo sa pagpasok sa kwarto ng apo nang makitang duguan at wala nang buhay ang paslit.
(LEONY AREVALO)