KINOMPIRMA na ng Supreme Court ang matagal nang alam ng lahat na illegal ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa mabaho nitong taguri na congressional pork barrel funds pero sa kabila nito ay umaangal pa rin ang makakapal ang mukha na pul-politiko na kaalyado ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Malinaw na ang PDAF ay panuhol sa mga miyembro ng kongreso upang sundin ang kagustuhan ng Malacañang. Ito rin ang dahilan kung bakit tutol si B.S. Aquino III na mawala ito. Ibig niyang makasiguro na susunod sa bawat utos niya ang mga pul-politiko sa kongreso.
Ginagamit na sangkalan ng mga umaangal sa desisyon ng hukuman ang mahihirap. Ang PDAF daw ay nagagamit nila sa kanilang scholarship program, medical mission, infrastructure building at iba pang mahahalagang proyekto na pinakikinabangan ng mahihirap.
Pero ang totoo niyan ay ayaw nilang ilagay sa mga Kagawaran ng Edukasyon, Kalusugan o Pagawaing Bayan at Lansangan ang pondo kasi ang gusto nila ay sila ang nilalapitan ng tao para magmukhang sa kanila nanggagaling ang ayuda at hindi sa kaban ng bayan. Masaya na sila ang hinihingan ng taong bayan dahil napapanatili nila ang ilusyon na sila ay galante. Ito ang tunay na raket ng mga manggagamit na ‘yan.
Isa pang rason kung bakit ayaw ng mga pul-politikong mawala ang PDAF ay dahil ito ang pinaka-madaling pinagkukunan nila ng kukurakuting pera ng bayan. Madaling nakawan ang perang ito tulad na lamang ng pagbubulgar ng mga testigo sa kaso ng pork barrel scam.
Kaya hindi ako naniniwala sa tuwid na daan na sinasabi ni B.S. Aquino III. Ito ay malaking bola na tanging tanga lamang ang maniniwala sa ngayon. ‘Yung mga tauhan mo na lamang ang bolahin mo B.S. Aquino III. Huwag mo na kaming idamay sa bolahan.
* * *
Ang press release ng mga maka-B.S. Aquino III ay tigilan daw muna ang sisihan at tayo ay magbayanihan muna. Pero sino ba ang unang nanisi? Hindi ba’t ang kanilang pangulo nang kanyang pagdiskitahan ang lokal na pamahalaan ng Tacloban.
Imbes atupagin ang pagsasaayos ng ayuda ay demanda ang bantang dala-dala niya sa mga opisyales ng Tacloban. Isipin na lamang na sa gitna ng trahedya ay kasohan ang iniisip ni B.S. Aquino III. Nasaan kaya ang damdamin ng taong ito?
* * *
Para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga isyu ng panahon ugaliing makinig sa podcastpilipinas.com/nelsonflores tuwing Huwebes alas nueve (9) hanggang alas diyes (10) ng gabi .
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa isang pribadong hot spring ay pumunta kayo sa Infinity Resort, Indigo Bay Subdivision, barangay Bagong Kalsada, Lungsod ng Calamba. Malapit lamang ito sa Metro Manila at mula rito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Kontakin ninyo si Gene Lorenzo sa [email protected] para sa karagdagang impormasyon.
Nelson Forte Flores