HIHIRAM SI MARIO NG PERA KAY ALING PATRING PARA PASAHE PAPUNTANG CEBU
Pupuntahan niya sa bahay si Aling Patring at susubukin niyang manghiram ng perang pasahe sa barko pauwi ng Cebu. Mahigit sa isang libong piso ang kaila-ngan niya. Suntok sa buwan pero wala siyang ibang matatakbuhan kungdi ang matandang babae na magbabasahan.
Mahigit kalahating oras lang ang biyahe papunta sa bahay ni Aling Patring. Usad- pagong ang takbo ng pampasahero dyip at pahinto-hinto pa. Ngunit ang utak naman ni Mario ay takbo nang takbo. Naisip niya ang kanyang mag-ina na labis-labis na ang pinagdaraanang mga pagdurusa.
Bilang asawa, masakit para sa kanya ang pagpasan ni Delia sa mga resposibilidad na dapat sana’y pananagutan niya. At bilang isang ama, nasusugatan ang damdamin niya sa pagpapasuso ng ina sa kanilang anak gayong sa edad nito ay mas kailangan pa ang gatas. Ang puno’t dulo ng lahat, ang pabrikanteng kaso laban sa kanya.
Sa pagmumuni-muni niya, ang kapalaran pala ng isang tulad niya ay walang ipinagkaiba sa bangkang walang katig at layag na pwedeng tumaob anumang oras at pwedeng kung saan-saan padparin ng hangin.
Usad-tigil, tigil-usad ang sinasakyang dyip ni Mario. Kulang-kulang kalahating oras na siyang nagbibiyahe ay bahagya pa lang siyang nakalalayo sa lugar na pinanggalingan. Nagtaka siya kung bakit mangilan-ngilan lang ang mga pampasaherong behikulo sa kalsada pero grabe ang trapik. Kayrami-raming pasahero ang istranded. Nag-uunahan at nag-aagawan ang mga komyuter na makasakay ng dyip.
(Subaybayan bukas)
Rey Atalia