TATLONG araw matapos hagupitin ng international media dahil sa mabagal na pag-ayuda ng pamahalaan sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda, sunud-sunod na pinuntahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang Guiuan, Eastern Samar at Tacloban City, Leyte upang alamin ang progreso ng relief operations sa mga nasabing lugar.
Kasama ng Pangulo si Speaker Feliciano Belmonte, Jr., at ilang miyembro ng kanyang gabinete.
Sa ulat ng Local Water Utilities Administration (LWUA), naibalik na ang supply ng tubig sa Tacloban City, habang tuloy-tuloy ang isinasagawang clearing and cleaning operations sa Leyte at Eastern Samar na pinangangasiwaan ng Metro Manila Development Authority na nagpagamit ng kanilang dump trucks, payloaders at backhoe.
Batay naman sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot na sa 780 bangkay ang nakolekta at 48 sa kanila’y nakilala na.
Lima sa pitong ospital sa Tacloban ang nakapagbibigay na ng serbisyong medical sa 12 bayan at isang pagamutan ang nasa paliparan.
Wala pang opisyal na pahayag ang Palasyo kung hanggang kailan mananatili sa nasabing rehiyon ang Pangulo, ngunit may impormasyon na maaaring hanggang isang linggo magbabad sa Eastern Visayas ang Punong Ehekutibo.
(ROSE NOVENARIO)