PANSAMANTALANG magtatayo ng tent city ang pamahalaang lungsod ng Pasay para matuluyan ng mga evacuees mula sa Tacloban City na lumalapag sakay ng C-130 planes sa Villamor Airbase.
Ayon kay Atty. Dennis Acorda, City Administrator, kanilang ikinokonsidera at posibleng masimulan agad.
Ang tent city ang pansamantalang tirahan ng mga evacuees habang naghihintay na masundo ng mga kaanak, makahanap ng permanenteng tirahan o habang hindi pa natutulungan ng nasyonal na pamahalaan.
Sa instruksyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ni Mayor Antonino Calixto, itatayo ang tent city sa Villamor Air Base Elementary School o sa 2,000 sq.m. bakanteng lote sa Tramo.
Sa patuloy na paglikas ng mga biktima ni Yolanda buhat sa Tacloban City, nagsisiksikan na sila sa Villamor Airbase.
Samantala, naglunsad din ang ilang non-government organization (NGO) ng “Oplan Hatid” sa pamamagitan ng pagpapahiram ng serbisyo at sasakyan para ihatid ang mga evacuees sa kanilang mga kaanak sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at karatig-lalawigan.
Ayon sa administrador ng lungsod, target nila ang 60 pamilya o 400 katao na tutustusan ng pagkain hanggang sila’y mailagay sa ayos.
(JAJA GARCIA)