IDINEPENSA ng Malacañang ang pagtaas ng singil ng Manila Electric Company (Meralco) sa milyon-milyong consumers ngayong Nobyembre dahil wala naman sinalanta ng kalamidad ang maaapektohan sa P1.24/kWh power rate hike.
“Wala pong sakop na franchise area ng Meralco ang tuwirang apektado ng kasalukuyang kalamidad at ‘yun pong mga nakaraan din mga kalamidad sa Zamboanga at sa Bohol at Cebu na tinamaan ng lindol,” pahayag ni Communications Secretary Herminio Coloma, Jr., hinggil sa ipinatupad na dagdag-singil ng Meralco sa panahong idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III ang state of national calamity.
Mistulang naging libangan na ng Meralco ang magtaas ng singil sa koryente nang halos buwan-buwan ay pinapayagan ng Energy Regulatory Commission (ERC) kahit walang abiso sa consumers kung kailan nila idinaraos ang public hearing sa power rate hike petition ng kompanyang pagmamay-ari ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan, isa sa pinakamalapit na alyado ng Palasyo.
(ROSE NOVENARIO)