BIGO ang pamahalaan na mabigyan ng tama at napapanahong pagkalinga ang ating mga kababayang naging biktima ng mapinsalang bagyong si Yolanda.
Hanggang ngayon kasi ay nagkalat pa rin ang mga patay at nagugutom na tao sa Tacloban, Samar, Leyte, Capiz at Coron sa Palawan.
Maging ang international media na naging daan para dumagsa ang tulong ng halos 40 bansa sa daigdig ay desmayado sa nagiging pagtugon ng pamahalaan.
May mga nagsabi tuloy na hindi kaya ni PNoy ang ganito kalaking problema dahil kitang-kita naman na walang master plan ang gobyerno partikular na ang NDRRMC sa mga kalamidad na kagaya nito.
Pangit na rin tingnan na walang “point man” o punong taga-timon ang Palasyo sa pag-aayos sa mga nasalantang probinsya at maging sa mga mamamayan nito dahil walang sistema ang pagkilos ng pamahalaan.
Klasikong halimbawa nito ang hindi na maitagong galit ni Mayor Alfred Romualdez ng Tacloban City sa national government dahil sa kakulangan ng tulong sa kanyang nasasakupan.
Malapit pa ang Tacloban sa airport kaya’t dito natin makikita kung gaano pa kalala ang sitwasyon sa mga kanayunan sa mga lugar sa Samar.
Mabigat ang kinakaharap na problema ngayon ng bansa pero kung may planong nagawa ang NDRRMC at ang Malakanyang sa mga ganitong kalamidad ay hindi ganito kahirap ang inabot ng ating mga kababayan dahil alam nila ang kanilang gagawin.
May oras pa para magtuwid ang pamahalaan kaya’t sana naman ay kumilos sila nang mabilisan dahil buhay ng kapwa natin Pilipino ang nakataya rito.
***
Kaagad nagpadala ang Lungsod ng Valenzuela sa pamumuno ni Mayor Rex Gatchalian ng may 20,000 relief goods para sa nasalanta ng bagyong si Yolanda.
Sa loob ng isang araw ay natapos agad ng pamahalaan lokal ng Valenzuela ang pagrerepak ng unang batch ng tulong ng lungsod para sa mga kapatid nating dinaluyong ng kalamidad.
Ang repacking ng relief goods ay personal na pinangasiwaan nina Mayor Rex at mga kapatid niyang kongresista na sina Win at Wes Gatchalian.
Ganito kasensitibo ang local officials ng Valenzuela sa damdamin ng mga naghihirap na kababayan kaya’t daglian ang naging pagtugon nito.
Sana ganito lahat ang mga opisyales ng bansa dahil bukod sa may puso sila sa tao ay talaga naman sistematik ang pagkilos sa mga problema lalo sa usapin ng kalamidad.
Alvin Feliciano