MULING sinisi at pinasaringan ni Pangulong Benigno Aquino III ang ilang lokal na opisyal sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda dahil sa kakulangan ng paghahanda sa kalamidad, nang bumisita ang punong ehekutibo sa Guian, Samar kahapon.
Ngunit ang mga lokal na opisyal ng Guian ay kanyang pinuri sa kahandaan sa trahedya.
“Bilang Pangulo n’yo, bawal po ako magalit. Maski gaanong inis ko, dadaanin ko na lang sa asim ng sikmura ko,” aniya na walang tinukoy na pangalan.
Iniulat ni Guian Mayor Cristopher Gonzales na 99 katao ang namatay sa kanilang lugar, 16 ang nawawala at mahigit 2,000 ang sugatan sa pananalasa ng bagyo sa kanilang bayan.
“Madali kayong katrabaho, pwede nating paghatian ang trabaho,” aniya, “Kung sino ang handa, siya ang unang makakukuha (ng tulong). Kaya ba nating ibangon (ang Guiuan)? Pwede… pero ‘pag kayo ang nagkusa sa bawat lugar, mas mapapadali ang proseso,” sabi ng Pangulo.
(ROSE NOVENARIO)
SURVIVOR EMOSYONAL SA UNANG MISA SA TACLOBAN
NAGING emosyonal ang mga survivor ng super typhoon Yolanda na dumalo sa kauna-unahang misa sa Sto. Niño parish sa Tacloban.
Tinatayang nasa mahigit 200 katoliko ang dumalo sa misa, mahigit isang linggo matapos manalasa ang bagyo nang muling magbukas ang nasabing simbahan sa Tacloban na malaking bahagi ang nawasak dahil sa bagyo.
Sa homily, sinabi ni Monsignor Alex Opiniano na sa kabila ng dinaranas na paghihirap dahil sa bagyo, dapat pa rin kilalanin ng mga kababayan ang kabutihan ng Panginoon.
Sambit ni Monsignor Opiniano, “God is good all the time.”
Oportunidad din aniya ito para mas maging malapit sa Diyos tulad ng mga apostol noon na nakipagsagupa sa malalaking alon ngunit hindi nawalan ng tiwala sa Panginoon.
PAGPATAY SA LOOTER BINUBUSISI NG CIDG
INIUTOS ni PNP Chief Police Director General Alan Purisima ang pagpatay sa isang hinihinalang looter na kinilalang si Clark Aycardo, ng hindi nakilalang armadong mga lalaki noong Nobyemre 14.
Inatasan ni Purisima ang CIDG para imbestigahan ang nasabing kaso.
Sinabi ni PCRG Commander Police Director Lina Sarmiento, batay sa nakuha nilang report, natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ni Aycardo na may tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Ayon kay Sarmiento, naaresto rin ng PNP-SAF ang anim na pinaniniwalaang looters na kasalukuyang isinailalim na sa imbestigasyon at tinutukoy kung sila ay survivors ng Bagyong Yolanda o mga taong dumayo sa lugar upang magnakaw.
Giit ng heneral, lalo pang hinigpitan ng PNP at AFP ang kanilang seguridad sa Tacloban City at sa buong rehiyon na apektado ng hagupit ni Yolanda.
TRANSFEREES MULA SA BINAGYONG LUGAR TATANGGAPIN
INIUTOS ni Education (DepEd) Secretary Bro. Armin Luistro sa mga opisyal ng mga pampublikong high school at elementarya sa bansa na tanggapin ang emergency transferee students mula sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Yolanda.
Ayon kay Luistro, napakahalaga ng hakbang na ito para agad maipagpatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral matapos ang kalamidad.
Kasama sa direktiba ni Luistro ang paghahanap at pagsasaayos ng school records ng lilipat na mga mag-aaral.
Nanawagan at umapela rin ang kalihim sa mga pribadong paaralan na bigyang konsiderasyon ang mga biktima ng bagyo na lilipat sa mga pribadong eskwelahan.
(ED MORENO)