ISANG masamang bangungot ang nararanasan ngayon ng Homemark, isang real estate developer na pinerhuwisyo ng kliyente nilang mag-asawang Ely at Teodora Pesca.
Nauna nating naikolum noong Oktubre 21 (2013) ang ipinaabot sa ating hinaing ng mag-asawang Pesca dahil hindi pa umano sila nabibigyan ng deed of sale.
Agad po natin tinugunan ang hinaing ng mag-asawang PESCA dahil ang pinag-uusapan po rito ay salapi at ari-arian na sinikap nilang ipundar at saka s’yempre dahil sa kagustuhan natin magbigay-daan sa katuwiran at boses ng mga kababayan natin.
Sa ngalan po ng balanseng pamamahayag tayo po ay patuloy na nag-imbestiga hinggil sa nasabing isyu.
Pero nabulaga po tayo sa ilang natuklasan natin.
Unang-unang, natuklasan natin na mayroon pa palang utang at bayarin ang mag-asawang Pesca sa kompanyang Homemark.
Ikalawa, mayroong mga paglabag ang mag-asawang Pesca sa kanilang nilagdaang kontrata sa Homemark.
Ang unang house and lot unit na nabayaran ng mga Pesca ay mayroon nang titulo.
Habang ang tatlong house and lot units na sinasabi ng mag-asawa na 41% na raw nilang nabayaran ay sobrang OVER DUE balances na pala at ni hindi pa nababayaran ang amortization.
Ibig sabihin naghalo ang penalties at ang delayed down payments.
Hmmnnn … sana lang po naging honest naman sa pagrereklamo.
Batay sa nakalap namin, Mr. & Mrs. Pesca, ‘e illegal n’yo pa raw na ipinagagamit ang isang yunit na hindi pa ninyo fully paid?!
In bad faith po iyan!
Totoo rin na wala pa silang hawak na contract-to-sell dahil alinsunod sa nilagdaan nilang reservation contract kailangan mabayaran nila ang full down payment sa loob ng isang taon dahil kung hindi forfeited automatically ang contract.
Lessons to learn po ito sa lahat ng ating mga kababayan, kung bibili kayo ng house and lot o kahit lot lang, basahin po ninyo maigi ang kontrata.
Huwag po kayong makipagkontrata kung hindi ninyo kayang sundin ang mga nakasaad sa pipirmahang ninyong kasunduan.
Sa mag-asawang PESCA, basahin at tingnan po ninyong mabuti ang pipirmahan ninyong kontrata.
Sa HOMEMARK, maraming salamat po sa inyong paglilinaw at sana ay maging aral din ito sa iba pang real estate company.
Sa mga opisyal ng Homemark na nadawit ang pangalan sa naisulat nating kolum … I stand to be corrected.
Muli, maraming salamat po sa inyong paglilinaw.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.7630 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com