MATAPOS ang come-from-behind na panalo kontra National University-Bano De Oro sa una nitong laro ay impresibo na ang naging performance ng Big Chill sa sumunod na dalawang games sa 2013-14 PBA D-League Aspirants Cup.
At nais ni coach Robert Sison na manatiling mataas ang kanilang intensity level kontra Cebuana Lhuillier mamayang 2 pm sa JCSGO Gym sa Quezon City upang maisubi ang ikaapat na sunod na panalo.
Magpupugay sa ganap na 12 ng tanghali ang defending champion NLEX kontra Arellano University/Air 21 samantalang pinapaboran ang Cafe France laban sa Derulo Accelero sa ganap na 4 pm.
“I did not expect that we will be 3-0 at this point. We were lucky to win against Banco de Oro but our past two games versus Jumbo Plastic and Blackwater Sports were convincing wins. We worked very hard on those three wins and it is paying off at this point,” ani Sison.
Nakuha ng Big Chill ang liderato matapos na matalo ang Cagayan Rising Suns sa Hog’s Breath Cafe, 82-78 noong Huwebes.
Lumalim ang bench ng Big Chill matapos na maidagdag sa line-up ang mga ex-pros na sina Riel Cervantes at Khasim Mirza, ang NCAA Rookie of the Year na si Junerc Baloria at ang forward na si Dexter Maiquez.
Ayon kay Sison ay maganda naman ang jelling ng kanyang koponan. “I guess that is the reason why we are winning games.”
Pero inamin niya na matinding kalaban ang Cebuana Lhuillier lalo’t naghahangad ang Gems na makabawi buhat sa 86-72 pagkatalong sinapit sa baguhang Wang’s Basketball Couriers.
Ang Gems, na ngayon ay hawak ni coach David Zamar, ay may 1-2 record.
“Cebuana is coming off a loss and we know that they will be hard pressed to get a win and gain back their confidence. So we have to work doubly hard if we want to prevent that and stay on the winning track,” ani Sison.
Ang Road Warriors ni coach Boyet Fernandez ay binubuo ng core ng San Beda Red Lions na noong Sabado ay nagkampeon sa NCAA.
Ang Arellano/Air 21 ay may 2-1 karta at galing sa 77-73 panalo kontra Zambales M-Builders.
Ang Cafe France ni coach Edgar Macaraya ay may 2-2 record samantalang ang Derulo Accelero ni coach Paolo Mendoza ay wala pang panalo sa apat na laro.
Ni SABRINA PASCUA