NAGLAAN ng P15 milyong inisyal na pondo ang Department of Labor and Employment (DoLE) para sa mga lugar na matinding hinagupit ng bagyong Yolanda.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, nakakasa na ang cash for work program ng DoLE sa mga lugar na matinding napinsala ng bagyo.
Ang nasabing pondo ay laan para sa emergency employment na cash-for-work, ngunit kailangang i-coordinate sa lokal na pamahalaan na tutukoy ng roadmap. Minimum wage rate ang pasweldong ibibigay ng DoLE.
“May trabaho at mayroon namang budget,” pagtiyak ni Baldoz sabay garantiyang hihintayin na lang ang listahan mula sa LGU.
Nagpaplano na aniya sila ng ilalatag na permanenteng programa para ayudahan ang mga nawalan ng koprahan, palayan, at komersyo na ikinabubuhay ng mga residente. (L. BASILIO)