BABASAHAN na sana ng sakdal sa prosecutors office ang isang 44-anyos mister, na nahaharap sa kasong pagpatay sa sariling asawa nang tumalon mula sa ikatlong palapag ng Hall of Justice na sa Las Piñas City, kahapon.
Kinilala ni Las Piñas police chief Sr/Supt. Adolfo Samala, Jr., ang biktimang si Siegfred Cabunoc, ng Blk 11-A, Lot 7 Onyx St., Pilar Village na namatay noon din dahil sa pagkabasag ng bungo nang bumagsak sa baldosa, una ang ulo.
Sa inisyal na ulat ni Chief Insp. Joel Gomez sa tanggapan ni Samala, ihahatid ni PO2 Al Sharrif Uy ng Investigation Division si Cabunoc upang ma-inquest dakong 2:30 ng hapon, nang biglang magpipiglas pagdating sa ikatlong palapag ng gusali at agad tumalon una ang ulo.
Ani Chief Insp. Gomez, inaresto nila si Cabunoc noong Nobyembre 13, Miyerkoles, makaraan lumutang ang mga testigo na nagtuturo na siya ang pumatay sa asawang si Daisy Cabunoc, 54, noong nakaraang linggo.
Natagpuan ang bangkay ni Daisy, Nobyembre 11, sa bakanteng lote sa Manuyo I, tadtad ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan.
Ang bangkay ng ginang ay kinilala nang makita ng kanyang kapatid na si Gladys San Jose sa morgue noong Miyerkoles.
Kinilala rin ng suspek ang bangkay ng asawa at walang nagawa si Cabunoc nang arestohin ng pulisya matapos ituro ng apat na testigo.
(JAJA GARCIA)